SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
TIYAK na marami ang maiinggit kay Jasmine Curtis Smith kapag napanood nila ang pelikulang Manila’s Finest na pinagbibidahan nila Piolo Pascual at Enrique Gil sa December 25, 2025.
Isa sa walong entries sa 51st Metro Manila Film Festival ang Manila’s Finest na nagkaroon ng Premiere Screening noong Lunes ng gabi sa Robinson’s Place Manila.
Sa isang tagpo kasi ng pelikula, kitang-kita ang panggigigil ni Piolo kay Jasmine nang subasubin niya iyon ng halik.
Isa ang eksenang iyon sa tinilian ng mga manonood na kitang-kita ang pagkasabik ni Piolo kay Jasmine na gumaganap bilang si Janette, isang liberated woman na nagpapakita ng katapangan at pagiging makabago para sa panahon ng 1960s.
At sa panonood ng Manila’s Finest kailangang mabilis ang inyong mata at ‘wag pipikit dahil may ipinakita pa si Papa P na hindi ninyo dapat palampasin. Opo, first time yata (kung hindi kami nagkakamali) na ginawa iyon ng aktor. Ayaw namin tukuyin basta’t kayo na ang bahala para manood kayo ng pelikulang idinirehe ni Raymond Red. Kapag nakita ninyo ang tinutukoy naming eksena tiyak mangingiti kayo o mapapatili tulad ng mga kasabayan naming nanood.
Actually, dito rin lang namin nakitang naninigarilyo si Piolo bilang gumaganap siyang isang mabuting pulis.
Ang Manila’s Finest ng MQuest Ventures ay isang crime drama na naglalarawan sa buhay ng mga pulis sa magulomg Maynila noong 1970s. Ipinakikita sa pelikula kung gaano kagarapal ang korapsiyon, karahasan, at pag-asa sa pamamagitan ng isang matapang na pulis na si Captain Homer Magtibay (Piolo P).
First ever project together din ito nina Piolo at Enrique Gil kaya abangan ang kanilang banggaan bilang ginagampanan ng huli ang karakter ni 1st Lt Billy Ojeda.
Bukod sa ilang eksena ni Piolo na tinilian, hiyawan din ang mga nasa loob ng sinehan sa paglabas nina Ashtine Olviga na gumaganap na anak ni Piolo at Dylan Menor na gumaganao bilang si Patrolman Efren Taguyunon.
Manggugulat naman sa galing sa pagganap sa kanyang karakter bilang Epifanio Javier si Rico Blanco. Nadala niya ng buong husay ang pagiging sarcastic, mayabang, bilib sa sariling police officer. First time namin siya napanood at mahusay din pala itong umarte hindi lang mahusay bilang singer. Masasabi naming may ibubuga pala ito sa aktingan.
Rated PG ng MTRCB ang Manila’s Finest, na ibig sabihin, nagpapahintulot sa mga edad 13 pababa basta kasama ang magulang o nakatatanda sa panonood.
Kasama rin sa Manila’s Finest sina Kiko Estrada, Cedrick Juan, Ariel Rivera, Joey Marquez, Romnick Sarmenta, Rica Peralejo, Paulo Angeles, Soliman Cruz, Ethan David, Inday Fatima, atPearl Gonzales.
Kung katulad n’yo kaming naiintriga kung bakit may Manila’s Finest at ano ang mga kaganapan noong mga panahong iyon, panoorin ninyo ang pelikulang ito simula December 25.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com