ni Allan Sancon
ISA sa mga pinakatumatak na pelikulang kasali sa 51st Metro Manila Film Festival ngayong taon ay ang I’mPerfect, isang makabagbag-damdaming obra na hatid ng Nathan Studios sa pamumuno ni Sylvia Sanchez at sa direksiyon ni Sigrid Andrea Bernardo.
Tampok sa pelikula ang mga person with Down Syndrome bilang mga pangunahing bida—isang bihirang hakbang sa mainstream Philippine cinema na umani ng papuri at emosyon mula sa manonood at kapwa artista.
Sa ginanap na media conference noong Disyembre 14 sa GatewayCinema 16, ramdam ang kakaibang enerhiya at purong emosyon na bumalot sa buong cast at sa miyembro ng media. Halos maiyak ang lahat ng nasa mediacon dahil sa ipinakitang pureness ng mga batang DS na kasali sa pelikula.
Pinangunahan ng mga lead star na sina Earl Jonathan Amaba bilang Jiro at Anne Krystel Daphne Go bilang Jessica, parehong may DS, ang kwento ng pagtanggap sa sarili, pagmamahal, at pag-abot ng pangarap sa kabila ng mga limitasyong ibinabato ng lipunan.
Kasama rin sa pelikula sina Sylvia bilang ina ni Jessica, Tonton Gutierrez bilang ama ni Jiro, at suportado ng mahuhusay na aktor na sina Janice de Belen, Joey Marquez, Lorna Tolentino, Zaijian Jaranilla, at Bea Mendoza, na bawat isa ay may mahalagang papel sa paghubog ng kwento ng dalawang bida.
Sa media conference, halos hindi napigilan ng mga cast member ang kanilang emosyon habang ikinukwento ang karanasan nila sa paggawa ng pelikula. Anila, kakaiba ang dedikasyon, disiplina, at pureness na ipinakita ng mga batang DS—mga katangiang bihira nang makita kahit sa mga beteranong artista.
Marami ang umaming may mga eksenang kinailangan nilang pigilan ang luha dahil sa natural na pag-arte at tapat na emosyon na ibinibigay nina Earl at Krystel sa bawat take.
Labis namang naantig si Sylvia Sanchez, na hindi lamang producer kundi isa ring ina sa pelikula. Sa kanyang pahayag, itinuring niya ang mga batang may DS bilang mga “angel” na ipinadala para ipaalala sa lahat kung ano ang tunay na kahulugan ng pagmamahal, kababaang-loob, at pagtanggap.
Aniya, hindi lamang pelikula ang I’m Perfect kundi isang mahalagang mensahe para sa bawat pamilyang may anak na may special needs—na sila ay perpekto sa sarili nilang paraan.
Mas lalo pang ikinatuwa ng lahat ang balitang endorser na ng Nailandia ang mga bata.
Para sa cast at production team, ito ay patunay na unti-unti nang nabubuksan ang industriya sa mas eksklusibong pananaw at mas malawak na representasyon. Isa rin itong malaking hakbang upang ipakita na ang kakayahan at talento ay walang pinipiling kondisyon.
Sa kabuuan, ang I’mPerfect ay hindi lamang isang pelikulang pampista kundi isang salamin ng lipunang dapat matutong tumanggap, umunawa, at magmahal ng walang kondisyon. Sa direksiyon ni Sigrid Bernardo at sa matapang na vision ng Nathan Studios, inaasahang mag-iiwan ito ng malalim na marka sa puso ng mga manonood.
Isang pelikulang magpapaalala sa atin na sa mundong puno ng panghuhusga, may mga taong ipinanganak para ipakita na ang pagiging “iba” ay hindi kailanman kakulangan—ito ay isang biyaya. Palabas na sa December 25, 2025 in Cinemas nationwide.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com