SA wakas binigyang linaw na ni Angelica Panganiban ang pelikulang tinanggihan niya noon na hanggang ngayon ay pinagsisisihan niya.
Ito ay ang Four Sisters and a Wedding na ipinalabas noong 2013 at pinagbidahan nina Toni Gonzaga, Bea Alonzo, Angel Locsin, at Shaina Magdayao na idinirehe ni Cathy Garcia-Molina para sa Star Cinema.
Binigyang linaw ni Angelica ang tila naging bubog sa kanya na pelikula sa grand mediacon ng pinagbibidahan niyang Metro Manila Film Festival 2025 entry, ang UnMarry kasama si Zanjoe Marudo na idinirehe ni Jeffrey Jeturian mula Quantum Films at Cineko Films.
Ani Angelica, ayaw na niyang maulit pa ang nangyari sa kanya na nagsisi siya sa pagtanggi sa isang magandang proyekto kaya hindi na niya pinalampas nang i-offer sa kanya ang UnMarry. Tinanggap niya ito agad nang sabihin sa kanya.
“Nangyari na kasi sa akin ‘yun before, eh. Na hanggang ngayon, pinagsisisihan ko.
“So, ‘pag may maganda akong project na dumarating sa akin ngayon, ayokong palampasin,” paliwanag ni Angelica.
Sa panayam ni MJ Felipe sa Cinema One, inilahad ng aktres ang ukol sa pinagsisisihan pelikulang hindi tinanggap at nasabi nga nito na ang pelikulang Four Sister and a Wedding iyon.
Anang aktres, siya dapat ang nasa role na ginampanan ni Shaina sa nasabing pelikula.
“Kakatapos lang kasi naming gawin ‘yung ‘One More Try.’ Hindi naging maganda ‘yung ending namin ni Angel noon. So, nag-give way na lang ako.
“Maging magkaibigan na lang tayo sa labas ng trabaho, ‘wag na muna tayong mag-work ulit,” nasabi ni Angelica kay Angel.
Sinabi pa ni Angelica na hanggang ngayon ay hindi pa niya pinanonood ang naturang pelikula dahil bubog niya iyon.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com