ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
EKSAKTONG dalawang linggo bago mag-Pasko, natapos ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), sa pangunguna ni Chairperson at CEO Lala Sotto, noong Huwebes, 11 Disyembre, ang rebyu sa walong opisyal na pelikulang kalahok sa 2025 Metro Manila Film Festival (MMFF).
“Patunay ito ng aming dedikasyon at matibay na suporta sa mga lokal na pelikula sa pamamagitan ng pagbibigay ng angkop na klasipikasyon,” sabi ni Sotto.
“Ang MMFF ay hindi lamang isang pista, ito ay pagdiriwang ng pagkamalikhain, pagmamahal at kahalagahan ng kuwentong Filipino.”
Ayon pa kay Sotto, ang mga pelikulang kalahok ngayon ay mainam para sa buong pamilya, dahil karamihan ay nakatanggap ng G at PG, na nangangahulugang maaari itong mapanood ng mga bata basta’t may kasamang magulang o nakatatanda.
Ang romantic film na “I’m Perfect,” sa direksiyon ni Sigrid Bernardo ng Nathan Studios, ay nakakuha ng G rating, bagay sa lahat ng edad. Umiikot ang kuwento sa romantikong relasyon ng dalawang tao na may down syndrome.
Ang comedy-drama na “Bar Boys: After School,” sequel ng 2017 “Bar Boys,” ay rated PG. Tampok sina Carlo Aquino, Rocco Nacino, Enzo Pineda at Kean Cipriano, sa direksiyon ni Kip Oebanda ng 901 Studios Inc. Tungkol ito sa kinahinatnan ng mga karakter pagkatapos ng kolehiyo.
Ang PG rating ay nagpapahintulot sa mga edad 13 pababa, basta kasama ang magulang o nakatatanda.
PG din ang rating ng “Call Me Mother,” na pinagbibidahan nina Vice Ganda at Nadine Lustre, sa direksiyon ni Jun Robles at produksiyon ng ABS-CBN Film Productions, The IdeaFirst Company, at Viva Communications, Inc. Tumutok ang pelikula sa isang queer mother na nagnanais ampunin ang kanyang inalagaang bata, ngunit naging komplikado ang proseso nang biglang lumitaw ang tunay nitong ina.
PG din ang “Love You So Bad,” sa direksiyon ni Mae Cruz-Alviar at tampok sina Will Ashley, Dustin Yu, at Bianca De Vera. Co-produced ito ng ABS-CBN Film Productions, GMA Pictures, at Regal Entertainment, at umiikot ang kuwento ng isang dalagang nalilito kung sino ang pipiliin sa dalawang binata.
Rated PG ang thriller na “Manila’s Finest,” na pinagbibidahan nina Piolo Pascual, Enrique Gil, Romnick Sarmenta, Ariel Rivera, at Joey Marquez, sa direksiyon ni Raymond Red. Nakasentro ito sa grupo ng mga pulis sa Maynila noong 1969.
PG rin ang “Rekonek,” na idinirek ni Jade Castro sa ilalim ng Reality MM Studios. Itinatampok dito kung paano hinarap ng anim na magkakaibang pamilya ang pagkawala ng internet sampung araw bago mag-Pasko. Kasama sa cast sina Gerald Anderson, Bela Padilla, Andrea Brillantes, Charlie Dizon, Zoren Legaspi, Carmina Villarroel, Cassy Legaspi, Mavy Legaspi, at Gloria Diaz.
Ang “Unmarry,” na pinagbibidahan nina Angelica Panganiban at Zanjoe Marudo, at idinirek ni Jeffrey Jeturian sa ilalim ng Quantum Films at Cineko Films, ay rated PG. Tinutukan ng pelikula ang kuwento ng mag-asawang masalimuot na ipinoproseso ang paglusaw sa kanilang kasal.
Samantala, ang horror anthology na “Shake, Rattle and Roll: Evil Origins,” na iprinodyus ng Regal Entertainment at ika-17 sa naturang serye, ay rated R-13 para sa edad 13 at pataas.
Hinimok ni Sotto ang pamilyang Filipino na suportahan ang lahat ng pelikula ng MMFF ngayong Kapaskuhan at binigyang-diin na ang bawat kalahok ay nag-aalok ng kakaibang karanasan na nagpapakita ng yaman ng pagkamalikhain nating mga Filipino.
“Ngayong darating na Pasko, mas nagiging masaya ang pagpunta sa sinehan dahil pagkakataon ito para magkasama-sama ang pamilya. I encourage everyone to support all MMFF entries and celebrate the creativity of our filmmakers. Sama-sama po nating ipagdiwang ang galing ng pelikulang Filipino,” sabi ni Sotto.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com