SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
MAHILIG sa dagat at malaking bahagi ng kanyang musika ay nagpapakita ng pagmamahal sa marine life. Ito ang Fil-Am singer na inilunsad at ipinakilala kamakailan sa entertainment press, ang singer-songwriter na si Celesst Mar.
Ang Celesst Mar ay Latin-inspired screen name na ang kahulugan ay “heavenly sea.”
Kasalukuyang nasa ’Pinas si Celesst Mar para i-promote ang debut album niya na iri-release sa December 20.
Ito ang Fawn na kinapapalooban ng walo hanggang siyam na tracks na isinulat at ini-record niya rito sa bansa. Dalawa rito ay ang Siren’s Call at Revenge.
Ipinanganak at lumaki ang 26-year-old sultry singer sa Honolulu, Hawaii, na bata pa lang ay miyembro na ng choir, nag-aral ng classical piano at clarinet.
Tubong Tarlac ang kanyang ina at ang ama ay taga-San Francisco, California.
Ayon kay Celesst, maraming beses na siyang nagpapabalik-balik sa Pilipinas para mag-freedive sa Anilao, Batangas at Palawan.
Inamin ni Celesst na gusto niyang ma-penetrate ang local show business na hindi naman siya nabigo dahil balitang nagkainteres agad sa kanya ang Star Music nang dalhin ito ng tumutulong sa kanyang career (o manager) na si Eugene Asis, entertainment editor ng People’s Journal at isa sa adviser ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd)
Bagamat namamalagi sa ibang bansa, lumaking naririnig ni Celesst ang musika ni Sharon Cuneta at ng Aegis dahil madalas itong patugtugin ng kanyang ina.
Si Mariah Carey din ay paborito niya at malaki ang impluwensiya sa kanya.
“I love Mariah Carey. She is the queen Songbird Supreme. She’s number one, I love her with all my heart. I study her songs very intently, and I love her insane five-octave vocal range,” anang dalaga na hawig kay Mariah sa hitsura at boses.
Sa listening party na isinagawa kamakailan para sa Fawn ipinarinig nito ang version niya ng Holy Night, na patunay na talagang gustong-gusto niya si Mariah.
May music video rin ang Holy Night kasama ang isang kiddie choir.
Musical influences din niya sina Ariana Grande, Patti LaBelle, Luther Vandross, ang nasirang King of Pop na si Michael Jackson, atbp.
Aminado si Celesst na gustong-gusto niya ang Pilipinas kaya naman posibleng mag-stay siya rito for good.
“I love it here. I’m hoping to move here next year. I would love to live here in the long term.”
Sa kabilang banda, aminado si Celesst na late bloomer siya sa pagkata at pag-compose. Katunayan summer ng 2024 niya lang inumpisahan ang music career dito sa ’Pinas bilang independent artist. Dito rin niya inilunsad ang kauna-unahang single na Your Act, nitong nakaraang Mayo.
Nang matanong ukol sa lovelife, iginiit nitong hindi niya iyon priority kundi ang pagkanta at paggawa ng musika. Gusto niyang mag-focus sa release ng Fawn na aniya ay reflection ng thoughts niya sa mga pinagdaanan sa kanyang past relationships.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com