MATINDING pinabulaanan ni dating Albay Rep. Joey Sarte Salceda ang paratang na mayron siyang kinaalaman sa “insertion special provision” ng 2024 National Budget na naging basehan ng masalimuot na pagkuha ng bilyon-bilyong peso mula sa mga ‘Government Owned and Controlled Corporations’ (GOCC) o mga korporasyong pag-aari at kuntrulado ng gubiyerno gaya ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.
Ang paratang ay nabanggit ni dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio sa kanyang panayam kay Christian Esguerra sa programang ‘Facts First Tonight’ nito na inilabas sa YouTube, at tumukoy sa isang ‘bill’ kaugnay sa ‘2024 budget.’
Sa isang liham kay Esguerra, sinabi ni Salceda na “incorrect” o mali ang paratang. Sumulat din siya sa isang ulat ng ‘Institute of Risk and Strategic Studies, Inc.,’ na siya ang ‘chairman,’ kung saan idenitalye niya ang isyu.
“Una, hindi ako kailanman naging miyembro ng ‘Appropriations Committee, Bicam, at ‘small committee’ sa ‘19th Congress’ kaya imposibleng may kinaalaman ako sa naturang ‘insertion’ o pagsingit,” madiin niyang pahayag.
“Pangalawa, wala ring basehan ang sinasabing mula sa aking ‘bill’ ang naturang ‘2024 budget insertion provision’ dahil naipasa ng Kamara ang aking bill na layuning amyendahan ang 2023 budget at hayaang gamitin ang pundo ng GOCC kung walang sadyang paglalaanan at magiging kapaki-pakinabang ito. Sa ilalim ng naturang panuntunan, hindi maaaring magpakawala ng pundo ang PhilHealth kung mayron itong mga obligasyong legal,” dagdag niya.
Ipinaliwanag ni Salceda na sadyang iba ang probisyon ng 2024 budget na nag-atas sa mga GOCC na bawasan ang reserbang pundo nila sa ‘historical levels’ at batay sa hangganang petsa ng pagsumite nito upang mabisa ang pangangasiwa sa pundo. “Ito rin ang dahilan kung bakit nagkaroon ng mga ‘constitutional issues’ lalo na sa mga GOCC na mahigpit ang ‘charter’ sa pagprotekta sa reserbang pundo nila.”
“Inihain ko ang ‘House Bill No. 9513’ na may layuning punduhan ang bayad para sa mga 2023 (hindi 2024) utang kaugnay sa COVID 19 ‘pandemic’ na naipasa ng Kamara ngunit hindi naging batas,” sabi niya.
“Dahil may pangako ang pamahalaan na “walang bagong buwis” na batas, ang dapat talagang gawin ay humanap ng ibang legal na mapagkukunan ng salapi upang punduhan ang ‘Public Health Emergency Allowance and the Health Facilities Support Fund (na parehong nangangailangan ng P52 bilyon),” dagdag na paliwanag ni Salceda.
“Madiin ang hiling ng mga ‘executive agencies’ at pamunuan ng Kamara na sadyang kailangan ang mga bagong mapagkukunan ng pundo para mabayaran ang malaking kautangang iniwan ng COVID-19 ‘pandemic’ na ang malaking bahagi ay dapat mabayaran noong 2023. Naipasa ang ‘bill’ ko ng Kamara, ngunit hindi ito naging batas,” sabi niya.
“Kaya ang anumang kuneksiyon o kaugnayan ko sa naturang usapin ay hanggan doon lang. Hindi na ako naghain ng ‘bill’ para sa 2024 badyet,” madiin niyang dagdag.
Ayon kay Salceda, tila nagmula ang paratang sa naunang ‘Bayanihan bill’ niya na may layuning bawasan ang pundo ng mga GOCC na may malalaking sobrang pera. “Hindi rin naging batas ang aking ‘Bayanihan bill’ ngunit kung ginamit ng mga ‘budget committees’ ang isinasaad nito, nasa kanila na iyon. Dati naman talagang ginagawa yun ng ilang mambabatas ng Kamara,’ sabi niya.
“Sa naturang ‘bill,’ ipinauubaya na rin sa mga ‘executive agencies’ ang pagbibigay kahulugan sa ‘excess funds’ o sobrang pundo bilang ‘flexibility.’ Muli ang panukalang batas kong iyon ay HINDI NAGING BATAS” at hindi nag-amyenda sa ‘charters’ ng mga GOCC gaya ng PhilHealth, kaya walang batas na magpu-pwersa sa mga ito na maglipat ng kanilang pundo,” pang-huling paliwanag ni Salceda.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com