SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
MATAGAL nang gustong makita ng mga sumusubaybay ng University Series na magtambal sina Bea Binene at Wilbert Ross. Kaya naman ganoon na lamang ang katuwaan at pagkakilig nang finally ay maisasakatuparan ang matagal nilang wish, ang magsama at magbida sina Arkin at Via. At ito ay sa pamamagitan ng Golden Scenery of Tomorrow na handog ng Viva One at mapapanood simula October 18.
Ang University Series na ito ang hindi mo dapat ma-miss na bukod kina Bea at Wilbert ay kasama rin ang mga barkada na sina Heaven Peralejo, Marco Gallo, Krissha Viaje, Jerome Ponce, Hyacinth Callado, Gab Lagman, Aubrey Caraan, Lance Carr, Nicole Omillo, Jairus Aquino.
Hango ito sa best-selling Wattpad novel ni Gwy Saludes o mas kilala bilang 4reuminct, at magpapatuloy sa minahal at pumatok na ‘University Series’ na umabot na sa higit 695 milyong reads online.
Mula sa tagumpay ng The Rain in España, Safe Skies Archer, Chasing in the Wild, at Avenues of the Diamond, narito na ang ikalimang installment na idinirehe ni Victor Villanueva (na siya ring nagdirehe ng Patay Na Si Hesus, Kidnap for Romance)—isang larawan ng pag-ibig, pagsubok, at pagtupad ng mga pangarap.
Gagampanan nina Bea at Wilbert ang mag-best friend na sina Avianna “Via” Diaz at Larkin “Arkin” Sanchez. Si Via, isang architecture student ay tahimik, mailap, at may trauma pa dahil sa mga sugat na iniwan ng kasikatan ng kanyang ina. Sa kabila nito, matatag siyang nagsisilbing sandigan ng kanyang mga kapatid habang pilit hinahanap ang sarili niyang direksiyon sa buhay.
Si Arkin ay isang film student na puno ng charm, talino, at kasiyahan. Laging nakatuon ang mundo kay Via, ngunit ang kanyang hilig sa pelikula at musika ay magbubukas ng pinto sa showbiz, na bigla siyang sisikat bilang bahagi ng isang love team.
Sa paglalim ng kanilang pagkakaibigan at pag-iibigan, masusubok ang kanilang samahan dahil sa bagong mundo ni Arkin. Muling mabubuhay ang trauma ni Via, habang si Arkin ay mahahati ang puso sa karera at pag-ibig. Sapat ba ang kanilang pagmamahalan para malampasan ang bigat ng kasikatan at pait ng nakaraan?
Noong August 15, ipinasilip ang teaser ng serye sa Vivarkada: The Ultimate Fancon and Grand Concert. Nasilayan sa unang pagkakataon ang golden love story nina Via at Arkin, na kaagad nagdagdag ng excitement sa fans, mula sa venue hanggang sa social media.
Isang kwento ng pag-ibig, sakripisyo, at pagkilala sa sarili, ang Golden Scenery of Tomorroway isa na namang hindi malilimutang kabanata sa ‘University Series’ tungkol sa tamis at pagsubok ng “young love.”
Kaya huwag palampasin ang pinaka-engrandeng kabanata – ang kinang ng pag-iibigan nina Via at Arkin sa Golden Scenery of Tomorrow.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com