SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
HINDI napigilan nina Carlo Aquino at Anne Curtis na maging emosyonal sa finale media conference ng kanilang hit Philippine adaptation na Its Okay To Not Be Okay noong Huwebes (Setyembre25).
Ibinahagi ni Carlo ang lalim ng samahan na nabuo niya sa serye.
“Mula pa noong July ng nakaraang taon, magkasama na kami. Hindi ako sanay magpaalam dahil sobrang mahal ko na talaga itong team — at sobrang mahal ko rin ang show na ito,” anang aktor.
Maging si Anne ay nadala rin kay Carlo. Ipinahayag din niya kung gaano siya ka-proud sa ginawa nilamg serye at kung paano nila ibinida ang ganda ng Pilipinas.
“Naging mahaba-haba rin ang journey namin, mula sa pag-shoot sa iba’t ibang parte ng Pilipinas tulad ng Dumaguete, Bacolod, at Iloilo. Isang bagay na ipinagmamalaki namin ay hindi lang namin naipakita ang kagandahan ng bansa kundi pati na rin ang kulturang Filipino, lalo na tungkol sa pamilya,” ani Anne.
Nagbahagi rin ng kanilang karanasan ang young stars na sina Kaori Oinuma at Xyriel Manabattungkol sa suporta na natanggap nila mula sa kanilang co-stars.
Inalala ni Kaori ang naging final scene kasama si Anne.
“Bago mag-take, nagpaalam muna ako kay Ate Anne, kasi kailangan sa eksena na sabunutan ko siya. Hindi ko alam kung paano ko ‘yun gagawin kasi ang bigat ng mga eksena, at maraming emosyon.
“Salamat sa tulong nina Ate Anne at direk, nagawa ko naman,” sabi niya.
Ibinahagi namani Xyriel kung paano nag-work ang tandem nila ni Enchong Dee.
“Noong umpisa, lagi kaming kinakabahan ni Kuya Enchong, hindi namin alam kung tama o maayos ba ginagawa namin. Pero katagalan, nag-click lang talaga kami, at siguro ‘yung bond namin, ‘yung nakatulong para magawa ‘yun,” saad niya.
Nagpahayag din ng pasasalamat sa mga nanonood ang iba pang cast members kabilang sina Maricel Laxa, Agot Isidro, Bodjie Pascua, Bobot Mortiz, Louise Abuel, Alyssa Muhlach, Aljon Mendoza, at Ana Abad Santos. Patuloy kasing kabilang ang serye sa Top 10 most-watched shows sa Netflix Philippines.
Habang nalalapit na ang pagtatapos ng serye, paka-abangan ang matagal nang pinakahihintay na mga rebelasyon — kabilang na ang katotohanan sa likod buhay ni Mia at ang misteryo sa pagkawala ni Ingrid.
Huwag palampasin ang final episodes ng It’s Okay to Not Be Okay, gabi-gabi tuwing 8:45 p.m. sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, TV5, iWantTFC, at Netflix.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com