BILANG tugon sa panawagan para sa kolektibong aksiyon laban sa korupsiyon na mensahe sa malawakang pagkilos ng sambayanan sa EDSA at Luneta, nagtipon-tipon kahapon ang ilang sibikong organisasyon at mga residente ng Marikina upang ipakita ang kanilang pagkabahala sa anila’y katiwalian sa lokal na pamahalaan.
Dumalo ang grupo sa sesyon ng Sangguniang Panlungsod kung saan nakaupo ang pansamantalang itinalagang mga konsehal, matapos masangkot at masuspinde si dating alkalde at ngayo’y kongresista ng Unang Distrito ng Marikina, Marcy Teodoro, kasama ang ilang konsehal at kawani ng pamahalaan dahil sa kasong technical malversation.
Bunga ng suspensiyon, nagtalaga muna ng mga OIC councilors ang pamahalaan. Isa sa kanila si Loel T. De Leon, isang kontraktor na patuloy na humahawak ng mga proyektong pang-impraestruktura sa lungsod. Kabilang dito ang konstruksiyon sa Tañong High School na may orihinal na completion date noong 3 Agosto 2025.
Ngunit sa kabila ng nakatakdang petsa, hindi pa rin natatapos ang proyekto at kasalukuyang butas pa lamang sa lupa ang makikita sa lugar.
Ayon sa mga residente, matapos pumutok ang isyu ay agad na tinanggal ang dating karatulang nagtatakda ng petsa ng pagtatapos ng proyekto. Pinalitan ito ng bagong tarpaulin kung saan nakasaad na Disyembre 2025 na ang target na completion date.
Dagdag pang kontrobersiya ang pagkakaupo ni De Leon dahil siya umano ay anak ni Elmer De Leon, na sinasabing may-ari ng Bell Construction. Matatandaan na nabanggit ang pangalan ni Cong Marcy Teodoro sa senate inquiry sa flood-control corruption issue na isa sa mga tumatanggap ng kickback mula sa proyekto ng mga Discaya. At ang Bell Construction ang kompanya na itinuturo ni Pacifico “Curlee” Discaya na kumukuha ng kickback sa kanya para kay Teodoro mula sa mga kontrata sa impraestruktura.
Ngayon, nahaharap naman si Teodoro sa isa pang mabigat na kontrobersiya. Bukod sa pagkakasangkot sa umano’y kickback sa mga Discaya, sangkot din umano siya sa pagmomolestya sa ilang bagong pulis na naka-assign sa kanya. Nagsumbong na sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) upang magsampa ng kaso laban sa kongresista.
Sa kasagsagan ng kilos-protesta, isang local news outlet ang nagtangkang magsagawa ng panayam sa mga lider ng protesta.
Ngunit sa gitna ng panayam ay bigla na lamang pinatay ang ilaw sa lugar, dahilan upang mahinto ang coverage at malito ang mga nagtitipon.
Ilang empleyado ang agad nagresponde at pinigilan ang pagpapatuloy ng panayam, na ayon sa kanila ay malinaw na utos mula sa nakatataas. Tumanggi silang tukuyin kung sino ang nagbigay ng direktiba, ngunit para sa mga nakasaksi, ang insidente ay malinaw na pagtatangka upang patahimikin ang mga naglalantad ng katiwalian at pigilan ang malayang pamamahayag.
Ayon sa mga lider ng Bisig Marikenyo, ang pagkilos na ito ay simula pa lamang ng serye ng kanilang mga hakbangin upang hamunin ang katiwalian at igiit ang pananagutan ng mga opisyal at kontraktor na sangkot sa mga alegasyon ng korupsiyon at pang-aabuso sa kapangyarihan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com