Friday , January 30 2026
https://www.facebook.com/bingoplusph
Goitia

Chairman Goitia:
Katotohanan, sandata laban sa kasinungalingan ng Tsina 

SA ISANG eksklusibong panayam kay Dr. Jose Antonio Goitia, na nagsisilbing Chairman Emeritus ng apat na makabayan at pang-sibikong organisasyon, ang West Philippine Sea, ayon sa kanya, ay hindi lamang labanan ng mga barko at coast guard. Isa rin itong labanan ng mga naratibo, at sa digmaang ito ng mga salita, nagsasagawa ang Tsina ng agresibo at may pondong propaganda laban sa sambayanang Filipino.

Si Goitia, isang matatag na tagasuporta ng matapang na paninindigan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa pagtatanggol ng soberanya ng Filipinas, ay binigyang-diin na ang bansa ay inaatake sa dalawang larangan: una, ang pisikal na panlulusob ng mga barko ng Tsina sa loob ng ating 200-nautical-mile Exclusive Economic Zone; at ikalawa, ang walang humpay na pagbaha ng maling impormasyon na layong hatiin ang mga Filipino at sirain ang tiwala sa pamahalaan.

“Nais ng Tsina na magtanim ng pagdududa sa isipan ng ating mga kababayan. Gusto nilang maramdaman ng mga Filipino na tayo’y maliit, mahina, at walang magawa upang tayo’y sumuko—hindi sa dahas ng armas, kundi sa pagsuko ng diwa,” diin ni Goitia. “Kaya’t ang katatagan ng Pangulo sa pagsasabing hindi tayo susuko ay hindi lamang politikal na pananalita. Isa itong sikolohikal na kontra-atake.”

Tinukoy niya ang mga ulat na may mahigit 12,000 Chinese maritime militia, mga bangkang pangisda, coast guard, at barkong pandigma ng hukbong dagat ng Tsina na pumapasok sa karagatang sakop ng Filipinas, kabilang ang lantad na pagpapatrolya na umaabot sa 35 nautical miles mula sa Pangasinan.

“Hindi ito normal na aktibidad. Ito ay pananakot. Ito ay pamimilit. Sinusubok ng Tsina ang tibay ng loob ng sambayanang Filipino,” aniya.

Naniniwala si Goitia na ang kanyang papel, kasama ng iba pang makabayang tinig, ay tulungan ang Pangulo na puksain ang propaganda na bahagi ng agresyon ng Tsina. Bilang beterano sa larangan ng pampublikong komunikasyon, nakikita niya ang pangangailangan nang tuloy-tuloy at magkakaugnay na naratibo na magbubunyag sa mga ginagawa ng Tsina para sa kaalaman ng sambayanang Filipino at pandaigdigang komunidad.

Agad din niyang ipinaabot ang buong suporta sa sektor ng pambansang depensa — mula sa Department of National Defense sa pamumuno ni Kalihim Gilbert “Gibo” Teodoro, kay National Security adviser Eduardo Año, hanggang sa matatapang na miyembro ng Philippine Coast Guard at Armed Forces of the Philippines. “Sila ang kalasag ng Republika,” wika ni Goitia. “Sila ang humaharap sa panganib upang ang iba sa atin ay mamuhay nang payapa. Bawat Filipino ay may utang na hindi lamang pasasalamat kundi aktibong suporta sa lahat ng paraan.”

“Kailangan nating lunurin ang kasinungalingan gamit ang katotohanan, at dapat natin itong sabihin nang malinaw, tuloy-tuloy, at walang pag-aalinlangan,” paliwanag niya. “Bawat mangingisdang inaabuso, bawat patrol na sinusundan, bawat bahurang inaagaw—dapat itong idokumento, ipaalam sa publiko, at kondenahin sa pinakamalakas na paraan.”

Binigyang-diin din ni Goitia na hindi lamang pamahalaan ang may tungkulin sa paglaban sa maling impormasyon. Nanawagan siya sa sambayanang Filipino, mula sa karaniwang mamamayan hanggang sa mga influencer at mamamahayag, na makibahagi sa pambansang depensa ng impormasyon.

“Habang mas nagkakaisa tayo sa pagsasabi ng katotohanan, mas mahirap para sa mga kasinungalingan ng Beijing na mag-ugat,” aniya.

Nang tanungin kung paano niya nakikitang makikipagtulungan kay Pangulong Marcos sa larangang ito, malinaw ang kanyang tugon. “Mayroon nang diplomatic at military machinery ang Pangulo upang igiit ang ating karapatan sa karagatan. Ang misyon ko ay patatagin ang kompiyansa ng publiko, tiyakin na walang mabibighaning Filipino sa maling naratibo ng Tsina, at panatilihing mapagmatyag ang ating mamamayan. Isa itong digmaan ng salita, at dapat natin itong labanan nang kasing-tindi ng pagbabantay natin sa ating karagatan.”

Para kay Goitia, walang kapalit ang nakataya kundi ang kaluluwa ng bayan. “Kapag kinuha nila ang ating karagatan, kukunin nila ang ating kinabukasan. Kapag kinuha nila ang ating kuwento, kukunin nila ang ating pagkakakilanlan. Hindi natin dapat pahintulutan na mangyari ang alinman sa dalawang iyon.”

Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na makabayan at pang sibikong organisaeyon na kinabibilangan ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement. (BONG SON)

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Bong Son

Check Also

Konektadong Pinoy Bill Act

Digital connectivity master plan mahalaga sa direksiyon ng Konektadong Pinoy Act — Cayetano

MAHALAGANG hakbang ang pag-aproba sa nationwide digital connectivity master plan upang magkaroon ng malinaw na …

Arrest Posas Handcuff

Sa Parañaque City
Japanese national sinaktan, hinoldap; suspek arestado sa loob ng 24 oras

NAHULI na ang suspek sa nag-viral na video ng panghoholdap at pananakit sa 62-anyos Japanese …

Las Piñas Cebu Sinulog April Aguilar

Stranded na Sinulog participants sa Cebu nakabalik nang ligtas at maayos sa Las Piñas

NAKABALIK na sa kani-kanilang tahanan ang mga kabataang Las Piñeros na na-stranded sa Cebu matapos …

DPWH

DPWH dapat preparado vs maangas na kontratista

KASUNOD  ng mga repormang ipinatupad para sa badyet ngayong taon, sinabihan ni Senate President Pro …

Senate FDA

Makupad magpakulong ng mga vendor at suppliers
FDA KINASTIGO SA SENADO 
Peke, ‘di rehistradong gamot, supplements kalat na kalat

KINASTIGO ng senado ang Food and Drugs Administration (FDA) dahil sa kabagalan nitong sumampol o …