MARIING kinondena ni Dr. Jose Antonio Goitia, Chairman Emeritus ng apat na kilalang civic organizations, ang isang blog na lumutang kamakailan sa social media at nagsusubok idawit si First Lady Liza Araneta Marcos sa pagkamatay ng negosyanteng si Juan Paolo Tantoco, na nasawi sa Estados Unidos sa insidenteng sinabing may kaugnayan sa ilegal na droga.
Sa isang panayam, tinawag ni Goitia ang naturang blog na “malisyoso, iresponsable, at walang pakundangan,” at iginiit na ang layunin nito ay politikal na paninira imbes makatulong sa paghanap ng katotohanan.
“May namatay. May naulilang pamilya. Sa halip na igalang ang lungkot ng mga naiwan, pinipilit pang isangkot ang isang tao na wala sa lugar ng insidente, na wala sa kahit anong ulat, na wala sa kahit anong imbestigasyon. Anong klaseng pananagutan ang gusto nilang ipataw?” ani Goitia.
Ang blog, na unang lumabas sa social media platforms, ay nagdedetalye ng toxicology report na umano’y nagpapakita ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot nina Paolo Tantoco at ng kanyang asawa na si Dina, na kasalukuyang nagsisilbi bilang Social Secretary ng Tanggapan ng Unang Ginang.
Ngunit lumampas pa rito ang blog at naglabas ng mga walang basehang hinala na posibleng may kinalaman si First Lady Marcos, at nanawagan pa ng drug test sa kanya.
Para kay Goitia, walang batayan ang ganitong panawagan.
“Hindi siya kasama sa kuwarto. Wala ang pangalan niya sa mga ulat ng pulisya. Hindi siya bahagi ng imbestigasyon. Bakit siya kailangang i-drug test? Dahil lang kilala niya ang nasangkot? Iyan ay hindi katarungan—iyan ay panggigipit,” giit niya.
Ayon kay Goitia, mapanganib ang ganitong klase ng pag-aanalisa sa mga online platform na ginagawang tanong ang mga paratang upang makalikha ng duda, galit, at sensasyonalismo.
“Hindi ito mga tanong. Mga bala ito na binalot sa pekeng kuryosidad,” aniya.
Binigyang-diin ni Goitia na kilala niya si First Lady Liza Araneta Marcos, at aniya’y saksi siya sa kredibilidad at dedikasyon nito sa tungkulin.
“Disiplinado siya, seryoso sa trabaho, at hindi pumapayag sa kalokohan. Malinis ang kanyang hangarin at alam niya ang bigat ng kanyang posisyon,” dagdag ni Goitia.
Bagamat kinikilala niya ang kalungkutan at bigat ng insidente, sinabi ni Goitia na ang dapat managot ay ang tunay na may kinalaman, hindi ang mga pinipilit lang idamay.
“Huwag nating gamitin ang pagdadalamhati ng iba para sa sariling agenda. Hayaan nating kumilos ang mga awtoridad sa Estados Unidos. Hayaan nating makapagluksa ang pamilya nang tahimik at may dignidad,” ani Goitia.
Bilang pagtatapos, nanawagan siya ng pagpapanatili ng disiplina sa pananagutan at ng kaayusan sa diskursong publiko.
“Maaari tayong magtanong nang may respeto. Maaari tayong magpursige para sa katotohanan nang hindi bumababa sa tsismis at paninira. Sa gitna ng lahat nang ito, huwag nating kalimutan ang pagkatao ng bawat isa.”
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag mula sa Tanggapan ng Unang Ginang ukol sa naturang isyu.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com