SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
HANGGANG kailan nga ba dapat tumanaw ng utang na loob ang anak sa kanyang pamilya o magulang? Ito ang diskusyon namin ng kasamahang editor at kapwa-SPEEd member, Ervin Santiago matapos mapanood ang How To Get Away From My Toxic Family na pinagbibidahan ni Zanjoe Marudo, Susan Africa, Richard Quan, Sherry Lara at iba pa na mapapanood simula July 30, 2025 sa lahat ng SM cinemas.
Ukol ito sa isang ofw chef na bumalik sa Pilipinas na may layuning magsimula ng sariling negosyo at buhay. Ang pelikula ay sumasalamin sa mga komplikadong relasyon sa pamilya at ang mahihirap na desisyon ng mga ofw sa oras ng pag-uwi. Kaya naman tiyak marami ang makare-relate sa pelikulang ito.
Ayon nga kay Zanjoe matapos ang special screening ng How To Get Away From My Toxic Family noong Lunes ng hapon sa SM Director’s Club nang tanungin ukol sa leson na natutunan sa pelikula, “Kailangang mag-set ng boundaries. Ako naman kasi sa personal ko, hangga’t kaya ko tutulong ako kung kailangan at kung talagang maaapektuhan na ang sarili kong pamilya o sariling mga pangarap sa buhay, doon na ako magse-set ng boundaries, hanggang dito na lang.”
“Mas mahalin natin ang bawat isa sa pamilya natin kasi hindi natin alam kung hanggang kailan tayo. Wala namang take two sa buhay natin. Piliin nating mahalin at maging masaya palagi,” wika naman ni Kim Rodriguez na gumaganap na girlfriend ni Zanjoe sa pelikula.
“As a mother because of this film, parang now I am very, very careful. Sometimes kasi hindi mo napapansin na nakakasakit ka na pero being a parent lagi mong iniisip na ikaw ang laging tama but sometimes it’s not the case. So I learned to be more sensitive and to be more cautious to my words,” sambit naman ni Ms Susan.
Sinabi naman ni Ogie Diaz, isa sa prodyuser ng pelikula ukol sa pagbuo nito, “Ito talaga ang pinili ko, collaboration ito ng mga utak, mga tao mula sa Dreamscape nina Ethel (Espiritu), Kaye sila rin ang creative, at ang writer nating si John Paul Bedia pati mga artista nakiki-involve kasi tagang immerse sila sa kuwento ng pamilya de Dios.
“Base ito sa kuwento ng mga nakakausap din naming mga kaibigan. So, pinag-isa rin natin siya.”
At bago ipalabas sa Pilipinas ang How To Get Away From My Toxic Family, nauna muna itong mapanood ng mga kababayan natin abroad tulad sa L.A. sa Beverly California, Nagoya, Japan.
Sa talkback na ginanap pagkakatapos ng pagpapalabas ng pelikula, maganda ang naging pagtanggap ng mga kapwa Pinoy sa pelikula.
Pagbabahagi ni Ogie, “Sila mismo involve kaya feeling ko itong mga nanonood para silang mga kapitbahay, parang nakiki-marites sa kuwento ng kapitbahay nila. So ganito ang pakiwari ko, para tayong mga kapitbahay na nanonood din at nakiki- marites.
“Kaya kung mapapansin ninyo ang mga linyahan dito hindi very dramatic, hindi pang- teleserye. Kung ano talaga iyong normal na sinasabi at idina-dialogue sa pang-araw araw nating buhay, iyon ang ginawa namin ni John,” sabi pa Ogie.
Totoo ang tinuran ni Ogie dahil iyon din ang na-feel namin habang nanonood. Simple ang istorya na madaling maintindihan at madaling makare-relate dahil pamilya ang usapan. Hindi komplikado at tunay na nangyayari sa isang pamilya.
Nalaman naming si Ogie ang nakaisip ng istorya na ginawan ng script ni John na bagamat may nanay at tatay na OFW naging personal din ang kuwento sa kanya kasi hindi man niya na-experience ang pagiging toxic ng kanyang pamilya, ang mga kakilala at immediate family niya in a way ay may semblance ng pagka-toxic. Kaya ani John, in a way eh naisapuso niya kung ano iyong kuwento ni Ogie kaya mas naging organic din ang pagsulat niya.
Kung si Z naman ang tatanungin kung naka-relate siya o saan humuhugot, sinabi nitong, “Ako naman simula’t sapul hindi talaga ako roon sa kapag may project o character na ginagawa, nahihirapan na humugot sa personal na experiences. Nasa ibang bansa ang tatay, nanay ko, sa America at mga kapatid ko. Hindi ko masasabing may pagkakapareha. Siguro ‘yung magkakahiwalay kami ng matagal na panahon. Doon ako naka-relate at mas doon ko naramdaman ang hirap at struggles kapag malayo ang pamilya.
“Lalo kapag magulang ang malayo sa iyo. Lumalaki ka na kulang sa guidance kahit paano at doon na rin ako natutong maging independent sa maagang panahon,” dagdag pa ni Z.
Ang How To Get Away Fom My Toxic Family ay handog ng Ogie Diaz Productions at Kr4eativDen Entertainment. Kasama rin sa pelikula sina Juharra Asayo, Lesley Lina, keena Pineda at idinirehe ni Lawrence Fajardo. Mapapanood ito sa July 30.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com