SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
ISA sa unang pinasalamatan ni Vice Ganda nang tanggapin ang Box Office Hero award sa katatapos na 8th EDDYS ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEED) ang masa.
Aniya, ang masang Filipino ang patuloy na nanonood ng kanyang mga pelikula.
“Kung hindi nila ako pinipilahan, pinanonood ang aking mga proyekto hindi naman ako mapapatawan at mabibigyan ng ganitong tropeo tonight.
“Maraming nagtatanong kung bakit lagi raw maraming nanonood ng pelikula ko. Just like last year, nakakatuwa na ang ‘And The Breadwinner Is’ ang naging top one sa lahat ng entries sa Metro Manila Film Festival.
“So, maraming nagtataas ng kilay, maraming nagkukuwestiyon. Bakit daw laging maraming nanonood ng pelikula ko?
“Para sa mga ilang kritiko, para sa ilang mga feeling mas magagaling pa sa kritiko, sa mga umaarteng kritiko, ang mga pelikula ko raw ay walang kwenta, walang katuturan, slapstick, katsipan, puro kabaklaan, puro kabaduyan, bakyang-bakya. Pero bakit patuloy na pinipilahan ang mga pelikula ko?
“Dahil ang mga pelikula ko po, kahit hindi masyadong pumapasa o hindi pumapasa sa panlasa ng mga kritiko, ang pelikula ko ay nagsisilbing pangtakas ng napakaraming pangkaraniwang masang Filipino. ‘Yung pelikula ko po ay ginagamit ng napakaraming masang Filipino para maging instrumento para sila ay tumawa panandalian, tumawa’t humagalpak hanggang sa makalimutan nila ng ilang segundo kung ano ‘yung masakit, malungkot, at mahirap na sitwasyon ng kanilang pamumuhay araw-araw,” ani Vice Ganda sa kanyang speech.
Iginiit pa ng Unkabogable star na kahit mataas ang presyo ng tiket sa mga sinehan, pinipili pa ring panoorin ng madla ang kanyang pelikula.
“Maraming Filipino na patuloy na pumupunta sa sinehan para silipin at panoorin ang pelikula ko at pagtawanan ako para kahit papaano makalimutan nila ‘yung lungkot. Para kahit paaano makalimutan nila ang mga problema nila. Para kahit paano makalimutan nilang malapit na silang mawalan ng pag-asa rito sa Pilipinas. Kahit ang mahal-mahal na ng pelikula,” sabi pa ni Vice Ganda..
Idinagdag pa ng komedyante na, “Ang hirap ng buhay nila, kaunti lang ang pera nila pero nanonood pa rin sila ng sine. Lalong-lalo na ng pelikula ko. Kasi gusto nilang tumawa. Ayaw nilang magpaka-kritiko at masyadong mag-isip sa panonood ng pelikula. Gusto na lang nilang tumawa. Kasi ‘yun ang magpapatawid sa kanila para bukas buhay pa sila. Para bukas, gusto pa nila ulit tumayo. Para bukas, may inspirasyon pa rin sila.”
Kaya naman walang hanggan ang kanyang pasasalamat sa publiko.
“Kaya walang hanggang pasasalamat ang gusto kong ibigay sa masang Filipino dahil ‘yung masang Filipino talaga ang labis-labis ang pagmamahal sa akin. At naniniwala rin ako na kaya ang mga Filipino, ang maraming masang Filipino ay nanonood dahil ako at ang masang Filipino ay may ugnayan. Dahil sa araw-araw nilang panonood sa akin sa ‘It’s Showtime’ sa loob ng 17 years, nakabuo ako ng isang magandang ugnayan sa masang Filipino,” pagmamalaki ng It’s Showtime host.
“Ako at ang masang Filipino ay may relasyon. Kami ay nagkakaunawaan. Iisang wika o lengguwahe ang sinasabi namin. Iisa ang trip namin. Ang relasyon ko sa masang ilipino ay parang pangkaraniwang relasyon sa araw-araw. May love-hate relationship pero hindi kami nag-iiwanan. Iniisip ko sila lagi. Inuunawa ko sila lagi at inuunawa rin nila ko. At araw-araw, nagmamahalan kami. Kaya naman, tuwing may pelikula ako, lalong-lalo na sa Pasko, kami ang nagkikita. Kasi, ako at ang masang Filipino ay pamilya. Maraming-maraming salamat po,” wika pa ni Vice Ganda.
Ang delayed telecast ng 8th EDDYS ay mapapanood sa Kapamilya Channel at Jeepney TV, na may international streaming sa iWantTFC simula Hulyo 27.
Ang event ay inihatid ng Playtime PH sa pakikipagtulungan sa Newport World Resorts at ABS-CBN. Kasama sa mga co-presenters ang Globe at Unilab.
Ang karagdagang suporta ay nagmula kay Senators Camille Villar, Mark Villar, at Chiz Escudero, Beautederm Corporation, Luxxe White, Puregold CinePanalo Film Festival, Kat Corpus, My Daily Collagen, at Brightlight Entertainment.
Ang awards night ay mula sa mahusay na direksiyon ni Eric Quizon.
Ang nag-verify ng mga boto ay pinangasiwaan ang auditing firm ni Juancho Robles, ang Chan Robles & Company, CPAs.
Ang EDDYS ay inoorganisa taon-taon ng SPEEd, isang non-profit na grupo na binubuo ng kasalukuyan at dating mga entertainment editor mula sa mga pambansang pahayagan, tabloid, at online platform.
Para sa karagdagang impormasyon, sundan ang The Eddys sa Facebook sa The Eddys (The Entertainment Editors’ Choice).
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com