ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
MAS mababang bayad.
Iyan ang bagong polisiya ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) para sa mga restored na pelikulang Filipino.
Batay sa Memorandum Circular No. 06-2025, bahagi ang bagong patakaran sa patuloy na adbokasiya ng MTRCB na itaguyod at isulong ang pagkakakilanlan at artistikong pamana ng mga Filipino sa pamamagitan ng pelikula.
Inamyendahan din ang mga probisyon sa ilalim ng Memorandum Circular No. 03-2016.
Mula sa dating ₱8,862.75 (50% na discount sa regular na halaga) ipatutupad na ang ₱3,500.00 para sa pagrerebyu ng mga restored na pelikula.
Wala namang pagbabago sa halaga pagdating sa mga katulad na trailer at ibang materyal.
“Sa pamamagitan ng resolusyon na ito, layunin po namin na paigtingin ang pagsuporta sa restorasyon at preserbasyon ng mga pelikula para mas maging abot-kaya para sa mga producer at mga tagapagtaguyod nito,” sabi ni MTRCB Chairperson and CEO Lala Sotto-Antonio.
Narito ang proseso para sa aplikasyon:
– Liham ng Kahilingan: Kailangang magsumite ng liham na nagpapaliwanag sa kahalagahang kultural, historikal at artistiko ng pelikula. Dapat ay naipalabas na ito nang hindi bababa sa 10 taon bago ang petsa ng aplikasyon.
– Patunay ng Pagkaka-restore: Dapat magpasa ng sworn affidavit o sertipikasyon mula sa produksiyong nagsagawa ng restorasyon, na naglalaman ng maikling paglalarawan sa ginamit na proseso at teknolohiya.
– Pagkilala: Dapat ay may wastong pagkilala sa orihinal na mga lumikha at restoration team, pati na rin ang contact information ng aplikante at ang may hawak ng karapatan.
“Nawa’y sa pamamagitan ng inisyatibong ito ay mahikayat pa ang ating mga stakeholder at ang industriya ng pelikula sa Filipinas na buhayin muli ang mga klasikong pelikula—hindi lamang para sa kanilang historikal na kahalagahan, kundi upang isulong ang responsableng panonood at ipagmalaki ang yaman ng ating sining,” sabi pa ni Sotto-Antonio.
Para sa iba pang katanungan, maaaring tumawag sa Review and Classification Division sa (02) 8376-7380 o mag-email sa [email protected].
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com