ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
KINUMPIRMA ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na binigyan nito ng angkop na klasipikasyon ang pelikulang “Food Delivery: Fresh from the West Philippine Sea,” isang dokumentaryo tungkol sa buhay at pakikipagsapalaran ng mga mangingisdang Filipino sa West Philippine Sea.
Ang pelikula ay pinarangalan sa Doc Edge Festival sa Auckland, New Zealand.
Ayon sa MTRCB, kabilang ang docu-film sa 287 na pelikulang nakatanggap ng angkop na klasipikasyon para maipalabas sa mga sinehan para sa unang kalahating taon ng 2025.
Mula sa isinumiteng aplikasyon ng Insight 360 Consultancy Services Inc. noong Marso 2025, ito ay rated PG (Patnubay at Gabay ng Magulang) mula sa Board—para sa edad 13 pababa, basta’t may kasamang magulang o nakatatanda.
Noong Hunyo 2025, muling nagsumite ng aplikasyon ang producer nitong Voyage Film Studios Inc.na may pamagat na “Food Delivery,” at nakatanggap din ng PG rating.
Ayon kina MTRCB Board Members Ricardo Salomon, Jr., Richard Reynoso, at Racquel Maria Cruz, “Ang materyal ay naglalaman ng mga tema at eksenang mas mauunawaan ng mas batang manonood kung may gabay ng magulang o nakatatanda.”.
Muling pinagtibay ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio ang suporta ng Board sa mga pelikulang may layuning magbigay-kaalaman at inspirasyon.
“Sa pamamagitan ng aming angkop na klasipikasyon, layunin naming protektahan ang mga manonood, partikular ang mga batang Pilipino, habang ating isinusulong at hinihikayat ang responsableng panonood at paglikha,” sabi ni Sotto-Antonio.
Ang 287 na inaprubahang pelikula ay binubuo ng iba’t ibang lokal at banyagang genre gaya ng drama, komedya, dokumentaryo, animasyon at independent films. Dumaan ang mga ito sa masusing proseso upang matiyak ang angkop na klasipikasyon alinsunod sa pamantayan at alituntunin ng MTRCB.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com