SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
AMINADO pareho sina Andres Muhlach at Ashtine Olviga na ikinagulat nila na mayroon na agad silang pelikula, ang Minamahal: 100 Bulaklak para kay Luna handog ng Viva Films pagkaraan nilang magbida sa international hit series mula Viva One, ang Ang Mutya ng Section E.
Sa story conference ng Minamahal: 100 Bulaklak para kay Luna na ididirehe at isinulat ni Jason Paul Laxamana, sinabi ni Ashtine na, “Personally nagulat talaga ako. Noong matanggap ko ‘Ang Mutya ng Section E’ hindi naman ako nag-i-expect, parang akala ko hanggang doon na lang iyon. And sobrang thankful ako na nasundan agad iyon at with Andres pa rin.”
“Hindi ko rin ine-expect iyong support from the fans, from ‘Mutya ng Section E’ tapos ngayon sa ‘Minamahal,’ sobrang grateful kami, ‘di ba Ash.’ Parang the support we got from the fans and now may movie kaya, we just want to do our best for them,” sabi naman ni Andres.
Grabe rin ang nakuhang suporta nina Ashtine at Andres dahil sa teaser pa lang ng gagawin nilang pelikula, umabot agad ng million views.
Sinabi ni Ashtine na ikinagulat pa rin niya na ganoon karami ang suportang nakukuha nila. “Alam ko po na maraming Kiefers na naghihintay pero hindi ko ine-expect na ganoon karaming suporta ang makukuha namin. Kaya sobrang grateful ako tagala.”
“Ako rin hindi ko ine-expect na biglang the views are millions kahit noong nagising ako the following day sabi ko, ‘O my God naka-million na!’ Sobrang grateful kami sa fans and sa nagsu-support sa amin,”sambit naman ni Andres.
Sinabi pa ng kanilang direktor na hindi ganoon kasimple na parang sinabi lang ni Boss Vic del Rosario na ang dalawa ang kanyang artista o magbibida sa pelikulang ididirehe niya.
“It went through a vigorous process bago napunta sa kanila ang project. Kasi the script itself has been existing before pa magkaroon ng ‘Mutya,’ or even pa magkaroon ng AshDres loveteam.
“Ako personally natutuwa ako, kasi hindi ginagawa ang project just because nag-viral ang ‘Mutya,’ talagang dumaan siya na typical process na story then naging script, then ipinitch muna sa kanila, kay Aga, kay Boss Vic. And then everyone nang nag-agree na sinabing magandang gawin ang project na ito at saka nagkaroon ng ‘Minamahal,’” paliwanag pa ni direk Jason Paul.
Hindi rin naman itinago ni direk Paul ang excitement na maidirehe ang dalawang artista.
“Very ecstatic kasi hindi naman sa hinahabol sila sa pagiging viral nila sa ‘Mutya.’ Pero it’s really a factor kung bakit very celebrated kahit teaser pa lang. Ako personally, na-shock ako the next day, ipina-billboard na ng mga fan nila at even ang international fans nila na hindi ko naiintindihan na nag-Spanish sa Tiktok pinag-uusapan ang teaser. So, parang okey masaya ako sa output ko, pero parang cherry on top talaga na super successful ng loveteam nila.
“And I can’t wait na mabigyan nila ng buhay ang mga character na matagal ko nang naisulat,” wika pa ni direk Jason Paul na mapapanood na sa September 24, 2025 ang Minamahal sa sinehan nationwide.
Dala ang matinding kilig at suporta ng kanilang fans, handa nang sumabak sina Ashtine at Andres sa big screen. Mula kina Jay-Jay at Keifer ng Mutya, ngayon ay malapit nang makilala sina Luna at Raffy sa Minamahal: 100 Bulaklak Para Kay Luna, na garantisadong puno ng kilig at mamahalin ng fans.
Tampok sa pelikula ang kuwento ni Raffy, isang tahimik at mahiyaing high school student na may hilig sa mga bulaklak. Susubukan niyang mapasaya at mapalapit sa isang visual artist na si Luna, isang babaeng hindi naniniwala sa pag-ibig. Bulaklak ang magiging paraan ni Raffy para suyuin si Luna, na ibinibigay niya sa mahahalagang sandali ng buhay ng dalaga. Habang lumilipas ang mga taon, unti-unting mamumulaklak ang isang malalim na koneksiyon sa kanila—isang relasyon na masusubok pagdating nila sa kolehiyo, na kailangan nilang harapin ang mga hamon ng totoong buhay.
Ilang bulaklak nga ba ang kailangang ialay para bumukas ang pusong ayaw magmahal? Tunghayan kung paano aasa at susubok ang isang binata na sa tamang pagkakataon, isang magandang pag-ibig ang mamumukadkad.
Sa official teaser ng pelikula na inilabas noong July 4, Biyernes, makikita sa 50-second clip si Andres bilang Raffy na pumipitas ng bulaklak hanggang sa tila napatigil ang mundo nito nang makita si Luna (Ashtine). Agad na umani ng matinding suporta at kilig mula sa fans ang teaser, na nakapagtala ng 12 million views sa loob lamang ng 24 oras. Ngayon pa lang, ramdam na ang excitement para sa unang pelikula nina Ashtine at Andres.
Pero bago magpakilig sa big screen sina Ashtine at Andres, magpapasiklab muna sila sa concert stage kasama ang rising stars ng Viva sa biggest fancon event of the year na magaganap sa Smart Araneta Coliseum sa August 15, ang VIVA ONE: VIVARKADA.
Ang Minamahal: 100 Bulaklak Para Kay Lunaay isang taos-pusong coming-of-age story na magtuturo sa atin kung paano magmahal, masaktan, at manindigan. Abangan ang isang bagong simula para sa tambalan nina Ashtine at Andres.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com