SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
PAWANG magagandang salita ang binitiwan ng Music Icon na si Marco Sison kay Vice Ganda nang matanong ito ukol naiibang line up niya sa kanyang Seasons of OPM concert na gaganapin sa July 25, 2025 sa The Theater at Solaire.
Ang Seasons of OPM ay isang musical journey na magtatampok sa mga sa mga best of the best Filipino songs na iparirinig ni Marco.
“Alam n’yo naman si Vice Ganda, matulungin iyan at mabuting tao. He said yes right away kahit may upcoming concert sila ni Regine (Velasquez),” sambit ni Marco nang maurirat ang pagge-guest ng komedyante sa kanyang concert.
Inilahad pa ng mahusay na balladeer kung paano nag-umpisang maanyayahan niya si Vice Ganda sa kanyang concert.
Ani Marco, “Alam n’yo naman na isa ako sa hurado ng ‘Tawag ng Tanghalan,’ isa sa pinakasikat na segment ng ‘It’s Showtime.’ I remember noong may biglaan kaming concept na katatapos lang ng aming grand finals at may dalawang linggo kaming bakante.
“We came up to an idea of ‘Duet’. Natatandaan ko noon na sinabi ko roon na nakatutuwa ang dalawang grand finals dahil para silang mga lover talaga. Kasi ganoon naman talaga ang duet eh. May duet na nag-aaway, nami-miss, iba-ibang concept. Puro love songs, eh nakaka-convince iyong dalawa. Tinanong ko kung real couple sila, pero hindi pala. Pero napabilib nila ako. Para silang real couple.
“Sabi ko sa comment ko, ‘alam mo nakatutuwa kayong dalawa. Naintindihin ko iyong story ng kanta in such a short time, four minutes at napaniwala ninyo ako na lovers kayong dalawa.’
“Nag-comment si Vice Ganda at sinabi niyang, ‘gusto kong maranasan iyon na makipag-duet sa isang ano…siguro magge-guest na lang ako sa isang concert ni sir Marco, free of charge.’
“Eh national TV iyon, nang sinabi niya. Kaya sinabi ko sa kanya, ‘promise ‘yan ha?! Kaya na-invite ko siya rito sa aking concert.”
Dagdag pa ng magaling na singer, maraming tao ang natutulungan ni Vice Ganda kaya naman puring-puri niya ang pagiging matulungin ito.
“He said yes right away kahit may upcoming concert sila ni Regine. Naghahanap lang ako ng duet with him. Tinanong ko siya kung ano ang guso niya at may mga ibinigay akong songs sa kanya na pwede niyang pagpilian. Mamimili kami at pag-aaralan at malalaman ko iyon by tomorrow dahil hurado ako bukas,” masayang sabi pa ni Marco ukol sa kung paano nila paghahandaan ni Vice Ganda ang ipakikitang number sa kanyang concert.
Isa sa matibay na stalwarts ng musikang Filipino, inaanyayahan ni Marco ang kanyang mga tagahanga at tagasunod na sariwain ang mga kantang nagustuhan nila sa mga nakaraang taon sa isang gabi ng pagkakaibigan, pakikipagkaibigan, at kaunting katatawanan.
Bukod kay Vice Ganda, special guests din ni Marco sina Martin Nievera, Rey Valera, at Nonoy Zuniga.
Sa pagdiriwang ng sarili nating musika, sinabi ni Marco na ang konsiyerto ay paraan niya ng pagpupugay at pagbabalik sa OPM bilang isang samahan. Sinusubaybayan ng playlist ang pinagmulan ng OPM hanggang sa kundiman, patungo sa mga love song at ballad noong dekada 70, 80, 90 at higit pa.
Sinabi pa ni Marco na ito ay magiging isang kapana-panabik na line-up, isang hindi pa niya nagawa sa kanyang mahabang kasaysayan bilang isang romantikong balladeer.
“I do hope that through this concert, I can inspire more people, especially the youth, to embrace OPM and contribute to its further growth and development,” sambit pa ni Marco.
Si Louie Ocampo ang musical director, na kompositor ng isa sa pinakamalaking hit ni Marco, ang Si Aida, Si Lorna o Si Fe.
Ang iba pang mga hit na kanta ni Marco na patuloy na tumutugtog sa iba’t ibang media platforms hanggang ngayon ay kinabibilangan ng Make Believe, My Love Will See You Through, Ikaw Lamangat iba pa. Ang kanyang pinakahuling recording, Sabik na Puso ay inilabas na sa digital.
Ididirehe ang Seasons of OPM ni Calvin Neria at prodyus ng Echo Jham Entertainment at Toplex Advertising.
Para sa ticket mabibili ito sa Ticketworld.com.ph at sa Solaire box office. Para sa ibang dtalye tawagan ang 0932-404-9551.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com