ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
PINANGUNAHAN ng Filipino musical na “Song of the Fireflies” ang listahan ng mga pelikulang inaprobahan ngayong linggo ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).
Ang pelikula na itinanghal na Best Picture sa 2025 Manila International Film Festival (MIFF), ay rated PG (Patnubay at Gabay ng Magulang), at angkop sa buong pamilya.
Pinagbibidahan ni MIFF Best Actress at Asia’s Phoenix Morissette Amon, ang pelikula ay tungkol sa Loboc Children’s Choir at ang mahalagang papel ng tagapagtatag nito na si Alma Taldo (Amon).
Nakatanggap din ng PG rating ang “F1” na pinagbibidahan ni Hollywood star Brad Pitt bilang isang retiradong Formula One driver na naging mentor ng isang batang racer, pati na rin ang musical na “Miley Cyrus: Something Beautiful,” na tampok ang musika ng global pop icon na si Miley Cyrus.
Dalawang pelikula ang rated R-13 (Restricted-13) o angkop lamang para sa mga edad 13 pataas.
Kabilang dito ang lokal na pelikula na “Unconditional,” na pinagbibidahan nina Rhian Ramos at Allen Dizon, at ang American sci-fi horror na “M3GAN 2.0.”
Ang American horror na “The Ritual,” hango sa totoong kuwento, ay rated R-16 (Restricted-16) para lamang sa edad 16 pataas. Tungkol ito sa dalawang pari na gustong iligtas ang isang babaeng wari’y sinapian.
Hinimok ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio ang publiko na maging responsableng manonood, lalo sa pagpili ng mga pelikulang puwede ang mga bata.
“Ang angkop na klasipikasyon ng MTRCB ay nagsisilbing gabay para sa mga magulang at nakatatandang kasama natin sa pagsusulong ng responsableng panonood para sa kanilang pamilya, lalo na para sa mga bata,” sabi ni Sotto-Antonio.