ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
ANG producer ng pelikulang “Unconditional” na si Brandon Ramirez ay parte rin ng cast nito na pinangungunahan nina Allen Dizon at Rhian Ramos. Gumanap rito si Brandon bilang BFF ni Allen.
Matagumpay ang naging premiere night nito last week at marami ang pumuri sa magandang pagkakagawa ng pelikula at mahusay na acting ng casts.
Matagal din nawala sa showbiz si Brandon, kaya sa kanyang pagbabalik ay inusisa kung nanibago ba siya?
Tugon niya, “Normally sa umpisa kailangan parang nagwa-warm-up ako, nahihiya pa ako. Tapos… and then ay magiging kalmado na ako. Tapos, I can deliver na may job, as an actor.
“Tapos kapag nag-aano ako ng script, normally a night before, hindi ko siya binabasa nang matagal.”
Dahil maganda ang kinalabasan ng pelikulang iprinodyus niya, tuloy-tuloy na ba ito?
“Oo naman, especially kapag manonood kayo, kapag sinuportahan ninyo ang movie para bumalik ang pera, hahaha!” nakatawang sambit niya.
Paliwanag pa ni Brandon, “I promised to everyone na… especially If we make this movie successful that we will continue to support the Filipino movie industry.
“So, that’s my goal, ‘coz I really love movies. You know, I also cry when I watched movies, that’s how passionate I am.”
Ang Unconditional ay isinulat at idinirek ni Adolf Alix Jr. Ang pelikula ang first production ng BR Film Productions na pag-aari ni Brandon.
Isa itong kakaibang love story, si Allen ay makikilala ang social media manager na si Rhian na katatapos lang maka-recover sa isang failed relationship. Made-develop ang dalawa sa backdrop ng magagandang tanawin sa Siargao.
Lingid sa kaalaman ni Rhian bilang si Anna, si Greg/Regina (Allen) ay isang transman. Kaya mahalaga sa pelikula ang kanyang gender reveal na sumabak sa frontal nudity si Allen.
Bukod kina Allen, Rhian at Brandon, tampok din sa pelikula sina Elizabeth Oropesa, Lotlot de Leon, Rico Barrera, Direk Joel Lamangan, Paolo Gumabao, at iba pa.
Showing na sa mga sinehan ang Unconditional ngayong June 25, Wednesday. Kaya punta na po sa mga sineahan at suportahan natin ang pelikulang Filipino.