ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
MATAGUMPAY ang ginanap na premiere night ng pelikulang “Unconditional” last week sa SM North EDSA, The Block.
Isang kakaibang love story ang mapapanood sa naturang pelikula na tinatampukan nina Allen Dizon at Rhian Ramos.
Isinulat at idinirek ni Adolf Alix Jr., ang pelikula ang first production ng BR Film Productions na pag-aari ng nagbabalik-showbiz na si Brandon Ramirez.
Bukod sa mahuhusay na acting ng mga lead star dito at magandang pagkakagawa ng movie, makikita rin sa pelikula ang kagandahan ng Siargao.
Ginagampanan dito ni Rhian ang role bilang si Anna, na isang mahusay na social media manager na kabe-break lang sa kanyang boyfriend. Sa pagbabakasyon niya sa Siargao ay makikilala niya si Allen at mahuhulog ang loob niya rito.
Lingid sa kanyang kaalaman, si Allen bilang si Greg ay isang transman. Dati siyang babae na si Regina, na gustong maging lalaki, kaya nagpaalis na siya ng boobs at umiinom ng gamot para sa hormones.
Nang usisain ang dalawang lead stars dito kung ano ang dapat abangan sa kanilang pelikula, ito ang wika ni Rhian.
“I really love, love stories. Gusto ko iyong ipinapakita iyong how two different people from two different walks of life, can find something in common and fall in love with each other.
“Mami-meet niya si Greg nang nag-vacation siya and mare-realize niya rin iyong breaks that she needed and… alam mo iyon? Sometimes we go somewhere to find ourselves, but she went there to find someone else,” sambit ni Rhian sabay hawak kay Allen.
Ito naman ang sinabi ni Allen, “Abangan po ninyo ang gender reveal,” nakatawang pahayag ng mahusay na aktor.
Pagpapatuloy pa niya, “May frontal nudity ako sa pelikulang ito, napaka-importante ng eksenang iyon na ipinakita ni Direk dito.
“Siguro ito iyong isa sa pinakakakaibang ginawa ko and first time kong gumanap na transman. Kaya alam ko na maraming makare-relate sa film namin, maraming makagugusto. Sana spread the word, napapanahon itong pelikula at sana ay suportahan natin ang pelikulang Filipino.”
Pahabol pa ni Rhian, “I hope that you guys will enjoy this movie. It’s a different kind of love story and I believe that everyone’s story should be heard.
“I feel na marami rin ang makare-relate rito sa movie na ito. It’s a story about finding yourself, falling in love with someone else also, but also falling in love with yourself and being proud of who you are.
“Ang message ng movie is, love is unconditional and universal and everyone deserves it,” sabi pa ni Rhian.
Kasama rin sa Unconditional sina Elizabeth Oropesa na gumanap bilang mother nina Lotlot de Leon at Allen na may alzheimer’s disease, Rico Barrera, ang fluid na BFF ni Rhian, at Brandon Ramirez na kaibigan naman ni Allen.
Espesyal naman ang role rito ng award-winning director na si Direk Joel Lamangan na pinuri nang marami sa husay niya sa pelikula. Kasama niya sina Allen, Rhian, at Elizabeth sa nagpakita ng magandang performances dito.
Si Direk Joel ay gumanap na bading na si Jonel, ang nagpalaki at kumupkop kay Rhian nang naging ulila siyang lubos.
Bahagi rin ng cast si Paolo Gumabao na gumaganap bilang ex-boyfriend naman ni Rhian.
Mapapanood na sa mga sinehan ang Unconditional sa June 25 at umaasa ang mga nasa likod ng maganda at napapanahong pelikulang ito ng suporta sa madlang pipol.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com