IMBES mangako ng pabahay sa bawat pamilyang Filipino, dapat unahin ni Las Piñas Rep. at senatorial candidate Camille Villar na ayusin ng serbisyo ng PrimeWater na pag-aari ng kanyang pamilya, ayon sa entertainment reporter at talent manager na si Ogie Diaz.
Base sa nakasaad sa Facebook post ni Diaz, “‘Wag ka na po mangako ng pabahay para sa bawat pamilyang Filipino. Baka puwedeng tulungan mo na lang ang mga kababayan mong magkaroon ng sapat at tuloy-tuloy na tubig mula sa PrimeWater na pag-aari din naman ninyo. Kawawa ang mga customers n’yo po. Bigla tuloy nagkaroon ng Project Uhaw bilang pangtapal sa kahinaan at kamahalan ng singil ng PrimeWater.”
Giit ni Diaz, nakalulungkot na kahit pangunahing pangangailangan ang tubig, wala pa rin aksiyon ang kompanya ni Villar sa reklamo ng mga customer ng PrimeWater sa iba’t ibang parte ng bansa.
Basic need ang tubig, pero wala pa rin aksiyon ang pahirap na pagkuha “ng tubig mula sa aandap-andap na mga gripo ng mga kababayan n’yo.
Aniya, “Kahit sa Tagaytay, grabeng jakpatan din kung may tulo o wala. Ang mahal na nga ng singil.”
Ayon kay Diaz, nanganganib ang kandidatura ni Villar dahil marami nang Filipino ang nagpasyang hindi siya iboboto dahil sa kawalang aksiyon sa isyu ng PrimeWater.
“May panahon pa para i-address n’yo accordingly ang isyu. Again, hindi kailangan mangako ng pabahay. Tubig po. Tubig na ang kompanya n’yo po ang nangangasiwa ang dapat n’yong pakiusapan para ipanalo kayo,” ani Diaz.
Bago rito, umani ng batikos si Villar sa mga customer ng PrimeWater. Anila, dapat munang tugunan ni Villar ang mga problema sa PrimeWater—gaya ng kakulangan sa suplay ng tubig, madalas na pagkaantala ng serbisyo, at mahinang tugon sa mga reklamo—bago mangakong pagagandahin ang buhay ng mga Filipino.
Nagresulta ang post sa kabi-kabilang reklamo mula sa mga customer ng PrimeWater sa Tarlac, Camarines Norte, Cavite, Laguna, at Bulacan, na umalma sa kabiguan ng kompanyang bigyan sila ng maayos at malinis na suplay ng tubig.