NAPAPALIBUTAN ng mga troll supporters o dili kaya’y nilikha ng artificial intelligence (AI) ang mga papuri sa social media kay Las Piñas representative at administration senatorial bet Camille Villar, ayon sa Netizens.
Napansin na napakaraming trolls na pare-pareho ang mensahe sa isang post sa Tiktok na bumabatikos sa “Great Wall of Camille Villar” na napuno ng poster ang pader na makikita sa isang pampublikong lugar.
Napuna ang magkakatulad na komento gaya ng “With Camille Villar’s leadership, we can all look forward to a brighter future!” at “Her commitment to the country will surely lead to positive change for everyone.”
Ayon sa subreddit na r/Philippines, posibleng gumagamit si Villar ng ‘bot army’ para tabunan ang mga negatibong komento sa mga post tungkol sa kanya.
Komento ng isang Redditor, halatang-halata na puro troll at bot ang mga supporter ni Villar dahil napaka-generic ng mga komento at wala man lang nabanggit tungkol sa kanyang mga nagawa.
“It’s always the same script with these bots,” ayon sa isa pang Redditor.
Kombinsido ang iba na gumagamit din si Villar ng artificial intelligence (AI) para gumawa ng mga papuring komento.
Deadma ang kampo ni Camille sa mga komentong ito ng netizens. (HATAW News Team)