SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
NAGTUNGO na pala si Sen Robin Padilla sa China para pag-aralan at alamin ang kuwento nina Sulu Sultan Paduka Pahala at China Emperor Zhu Di. Ito ay bilang paghahanda ng aktor/senador sa gagawing pelikula na ang titulo ay Hari sa Hari, Lahi sa Lahi.
Ito ang pagbabahagi kamakailan ni Atty Raul Lambino, dating producer at kumakandidatong senador sa darating na May, 2025 elections ukol sa planong i-remake ang Hari sa Hari, Lahi sa Lahi.”
Historical movie ito na pinagbidahan noon nina Vic Vargas at Wang Hsing Gang.
Ang pelikula ay ukol sa magandang pagkakaibigan nina Pahala at Zhu Di na ipinrodyus ni dating Unang Ginang Imelda Romualdez-Marcos sa pamamagitan ng Cultural Center of the Philippines (CCP) mula sa panulat at direksiyon ni Eddie Romero.
Si Atty. Lambino ay chairman ng Award for Promoting Philippines-China Understanding (APPCU), at naka-sentro ang kuwento ng pelikula sa magandang relasyon ng Pilipinas at China noon.
At sa pamamagitan raw ng pagre-remake ng Hari sa Hari, Lahi sa Lahi ay maipapaalala sa buong mundo ang magandang relasyon ng dalawang bansa bagamat may kinakaharap na territorial dispute.
Pagbabahagi pa ni Atty Lambino nang makapanayam namin ito sa Pandesal Forum sa Kamuning Bakery ni Wilson Lee Flores, may rebulto pa sa isang lugar sa China si Sultan Paduka Pahala.
Kaya naman ani Lambino balak niyang mag-produce uli ng mga pelikula. Una niyang nai-produce noon ang pelikulang pinagbidahan ni Glydel Mercado.
Sinabi pa ni Atty Lambino na nakausap na nila si Robin at umoo na na gagawin ang Hari sa Hari, Lahi sa Lahi.
Sey pa nito, handa na ang iba pang mga producer at inaayos na rin nila ang script ng movie para mas maging detalyado at magkaroon ng bagong approach sa kuwento.
“I’m being asked by the Chinese producers and talagang gusto nilang i-revive iyong pelikula. Tinanong nila ako kung sinong pwedeng the best na magbida sa pelikula? At sinabi ko na si Sen. Robin Padilla.
“He will be the best to do this because, well aside from being a good politician he’s a multi-talented awarded actor. And he is a Muslim.
“If there is one Filipino actor who understands ‘yung mga nangyari about Muslim and Sen Robin is also a very avid historical researcher. Nag-aaral talaga,” sambit pa ni Atty Lambino.
“I’m very very impressed of Sen Robin’s intellectual capacity. Minamaliit lang kung minsan ang mga artista,” dagdag pa.
Samantala, tumatakbong senador sa ilalim ng PDP Laban si Atty. Raul. Dati siyang Cabinet member ng Duterte administration, naging Administrator and Chief Executive Officer ng Cagayan Economic Zone Authority, at Presidential Adviser for Northern Luzon.
Kuntento siya sa buhay niya noon, pero dahil kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na nangumbinse sa kanyang tumakbo at sumama sa partido, napapayag siya dahil sa layuning makapagbigay-kontribusyon sa reporma sa ating Konstitusyon.
Sa reaksiyon niya sa napabalitang Sara Duterte-Robin Padilla team-up sa 2028 elections sinabi nitong napakaaga pa para pag-usapan at bigyang-pansin ito. Unahin muna raw ang eleksiyon sa Mayo.
Payo ni Atty Lambino, pag-isipang mabuti ng mga botante ang kanilang iboboto para makamit ang tunay na pagbabago.