ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
IPINAHAYAG ni Rhian Ramos na hindi siya maarte, kahit daw ang tingin ng iba sa kanya ay may image siyang sosyal.
Ito ang inamin ni Rhian sa launching ng kanyang bagong lifestyle and travel show titled ‘Where in Manila‘ na ginanap sa Winford Resort and Casino, Manila. Ito ay hatid ng TV8 MEDIA at magsisimula na this Saturday, 11:30pm sa GMA 7.
Ayon kay Rhian, paborito niya ang iba’t ibang streetfoods tulad ng betamax, isaw, kwek kwek, siomai, at inihaw na balut.
Wika ng Kapuso actress, “Siguro part iyon ng image ko, pero maniwala kayo, ang hirap kasi kapag nanggaling sa akin. Pero hindi naman ako maarte. Honestly, ang mga tao sa showbiz, although akala mo mukhang glamorous, (pero) hindi ka talaga puwedeng maarte.
“Sorry, you’re gonna catch me talking about food a lot because that’s my obsession. I wanna taste everything and eat everything,” nakangiting pakli ni Rhian.
Ang Where in Manila ay magsisilbing ultimate guide sa pag-explore sa Metro Manila, lalo na sa capital city nitong Manila. Masaya ang show and napaka-informative at makikita rito ang best restaurants at iba pang kainan, the trendiest hang-outs, and must visit destinations sa Maynila.
Ang naturang show ni Rhian ang papalit sa public service show na ‘Dear SV’ ni Sam Verzosa na kailangang pansamantalang magpahinga sa kanyang show dahil kandidato ito bilang mayor ng Manila.
Incidentally, bago nagsimula ang naturang event ay sinorpresa ng kanyang boyfriend na si Sam Verzosa si Rhian, with matching bitbit na flowers pa si Sam.
Anyway, unang shoot pa lang ay nag-enjoy na nang husto ang aktres at maraming first na na-experience rito.
Masayang sambit ni Rhian, “In our first shoots pa lang, I’ve been able to have a lot of first time experiences also. I just want to help to celebrate with our audience what can be found dito mismo sa Filipinas.”
Ipinahayag naman dito ni SV na mahal niya ang Dear SV kaya lang ay kailangan muna niya itong iwan sa ngayon dahil sa pagtakbo bilang Manila mayor.
Aminado siyang mami-miss daw niya ang mga ginagawa sa show at ang pagtulong niya sa mga nangangailangan, lalo na sa mga Manilenyo.
Naniniwala rin si Sam na sa pamamagitan ng Where in Manila ay maipakikita pa ang tunay na ganda ng lungsod at makatutulong din ito sa mga maliliit na negosyante, para mai-promote ang kanilang mga establishment.
Sinabi rin dito ni Sam na hindi naman tuluyang mawawala ang Dear SV. Tuloy-tuloy pa rin daw ito sa social media, mawawala lang ito ng ilang buwan sa TV.
Ipinahayag din ni Rhian na gusto niyang makatulong sa pag-promote ng mga negosyong kanilang mapupuntahan at mapi-feature sa kanilang show.
“Ang dami ko nang nakita at nakilala na mga small business owners na dapat talagang bigyan ng pansin ang mga ipino-promote nilang parts of Manila.
“I believe that the people is really what make the city so colorful. Iyong mga original nilang ideas na ginagawa nilang negosyo, na ginagawa nilang produkto na puwede talagang ipagmalaki sa buong Filipinas,” masayang wika pa ni Rhian.
Pilot episode na sa March 8 ng Where in Manila at hindi ito dapat palagpasin.