SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
AMINADO si McCoy de Leon na mas nahirapan siyang gumanap na mabait kaysa salbahe.
Ito ang inihayag ni McCoy matapos ang red carpet premiere ng pinagbibidahan niyang pelikula, ang In Thy Name na palabas na ngayon sa mga sinehan handog ng Viva Films at GreatCzar Media Productions.
Ginagampanan ni McCoy ang papel ni Father Rhoel Gallardo sa In Thy Name na aniya naka-relate siya sa ginampanang role.
Ani McCoy, “nakatulong na medyo naka-relate ako kay Father Rhoel. Natutunan ko ‘yung history kung paano siya makitungo sa mga tao. Alam mo ‘yung feeling na hindi mo kamag-anak pero parang konektado kami. Ibinalik ko lang ‘yung dati kong pagkatao.
“Si Dabid naman kasi parang araw-araw ko nang halos ginagawa, nasanay na rin. Mas madali kapag maging masama, mas mahirap magmukhang mabait,” dagdag pa ni McCoy na gumaganap na salbahe bilang si Dabid sa Batang Quiapo, half-brother ni Jesus Dimaguiba at anak nina Marites at Rigor Dimaguiba.
Almost two years ding nagkokontrabida si McCoy at sinabi nitong hindi maiwasang ma-imbibe sa sarili. “Pero sabi ko sa sarili ko kapag nilimitahan ko ang sarili ko sa ganitong klase ng role liliit ‘yung pwede kong gampanan.
“What if kaya kung sabayan ko and blessing na inialok sa akin ito ni direk Caesar Soriano itong film, inoohan ko agad at sinabi kong hindi ko pwedeng palampasin ang pelikulang ito na hindi ko naipakita ang ibang side ko.
“Kasi kapag hindi ko naipakita ‘yung soft side ko o ibang klaseng atake ng karakter andoon ako sa komportableng role ko lagi.
“And ang pagiging lead sa isang film ay hindi magiging kompleto kasi kung napapansin n’yo ako ‘yung taka-react kung paano nila ako inaatake ‘yung mga kontrabida. Kaya hindi ko makukuha ang kabuuang credits ng akin lang. ibabahagi ko ito kina Kuya Mon, Kuya JC at ‘yung mga survivor ding iba. Sila ‘yung bubuo. Hindi ko pwede itong gawing mag-isa.
“And bago mag-start ang film na ito hindi ko makakalimutan ang sinabi ni Kuya JC na, ‘McCoy susuportahan ka namin.’ Tapos naisip ko JC de Vera na ito eh bakit ganoon ang sinasabi sa akin? Kaya maraming salamat sa lahat ng bumubuo ng pelikula,” pagbabahagi pa ni McCoy.
Totoo ang tinuran ni McCoy dahil napakagagaling ng mga kasama niyang artista sa In Thy Name. Lahat ay hindi matatawaran ang galing. Mula kina JC De Vera, Mon Confiado, Jerome Ponce, Yves Flores, Aya Fernandez, Soliman Cruz, Martin Escudero, John Estrada, Pen Medina at marami pang iba.
Maayos na nailatag nina direk Caesar Soriano at Rommel Galapia Ruiz ang pelikulang In Thy Name na ukol sa pari, mga guro, mga estudyanteng dinukot ng mga Abu Sayyaf noong 2000.
Kahanga-hanga ang maayos na paglalahad ng istorya, pagpapakita kung paano isinakripisyo ng isang pari ang sarili para mailigtas ang mga kasamang bihag gayundin ang pagpapanatili ng Christian faith.
Grabe ang pagpapahirap na ginawa nina Mon at JC kay McCoy na makatotohanan ang atake. Talaga namang maaawa ka dahil tinanggap lang lahat ni McCoy ang bawat suntok, tadyak, batok, sampal. At ang pinaka-grabe ang pagdura sa kanyang mukha na talagang nandiri kami. Na ayon nga kay Mon, pinag-usapan nila ni McCoy na hindi niya alam kung hanggang saan mapupunta ang kanilang sagupaan. Na tinanggap nga lahat ni McCoy.
Bukod sa dura sa mukha sinasabing may eksenang hindi naipakita sa pelikula. Na tiyak na lalong pandidirihan.
Isang maayos na pelikula ang In Thy Name na tiyak paglabas ninyo ng sinehan ay pagkukuwentuhan pa ninyo. Nararapat na mapanood ang pelikulang ito at hindi nakahihinayang gastusan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com