NANAWAGAN at binigyang-diinni Brian Poe, unang nominado ng FPJ Panday Bayanihan Partylist, ang paalala ng COMELEC tungkol sa lokal na absentee voting na nakatakda sa 28, 29, at 30 Abril 2025.
“Ang mga araw na ito ng lokal absentee voting ay nagbibigay-daan sa mga manggagawa ng gobyerno at mga propesyonal na makaboto nang maaga, sa dahilang sila ay naka-duty sa mismong araw ng halalan. Mangyaring samantalahin ang pagkakataong ito,” paalala ni Poe.
Inianunsiyo ng COMELEC na sa 7 Marso ang huling araw para sa rehistrasyon ng lokal na absentee voting, na naaangkop para sa pagboto sa 28-30 Abril.
Binigyang-diin ni Poe na ang mga sektor na malamang na naka-duty sa araw ng halalan ay kinabibilangan ng mga guro, tagapagpatupad ng batas, healthcare workers, at emergency response teams.
“Ang mga media men na naka-assign sa fieldwork o duty sa opisina sa araw ng halalan ay kalipikado rin para sa lokal na absentee voting,” dagdag ni Poe.
Hinihikayat niya ang mga manggagawa ng gobyerno na senior citizens at persons with disability (PWD) na gamitin ang lokal na absentee voting upang makaiwas sa mahabang pila at masamang panahon sa araw ng halalan.