SINAMPAHAN nina Elaine Manalang Bautista at Jose Eduardo Miranda Carlos, pawang mga residente sa lungsod ng Calooocan ng kasong katiwalian at misconduct si 2nd District Representative Mary Mitzi Cajayon -Uy sa tanggapan ng Ombudsman.
Ang pagsasampa ng kaso ng dalawa ay nag-ugat nang ilang beses nilang mapanood ang pahayag ng kongresista sa pamamagitan ng live videos sa kanyang social media page na lantaran nitong inaamin ang kanyang gawain na maliwanag na paglabag sa ethical at legal standards for public officials.
Kinukuwestiyon din ng dalawa ang partipiasyon ni Cajayon sa pamimigay ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) na anila’y trabaho ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at hindi bahagi ng kanyang trabaho bilang isang mambabatas.
“‘Yung halimbawa, ‘yung nilabas ko ‘yung mga higher official nagreregalo ako… nagbubunga ‘yun. Kasi tayo ‘yung inuuna nila sa payout,” bahagi umano ng pahayag ni Cajayon sa kanyang recorded video noong 22 Enero 2025.
Sinabi nina Bautista at Carlos na mayroon pang mga sumunod na pahayag noong 4 Pebrero at 6 Pebrero ng taong kasalukuyan.
Desmayado sina Bautista at Carlos sa nagiging asal at hakbangin ni Cajayon na hindi mabuting halimbawa para sa isang lingkod bayan sa harap ng mga mamamayan.
Dahil dito hiniling nina Bautista at Carlos sa Ombudsman na imbestigahan ang paglabag ni Cajayon-Uy sa kanyang misconduct at paglabag sa Section 3 ng Anti-Graft and Corruption Practices Act (RA 3019).
Gayondin nais imbestigahan ng dalawa kung sino-sinong mga opisyal ng DSWD ang sangkot sa ginawang pag-treat at nakatanggap ng regalo mula kay Cajayon.
Binigyang-linaw nina Bautista at Carlos na walang nakiusap sa kanila at nag-utos para sampahan ng kaso ang kongresista.
Bukod dito, wala ring kaugnayan sa politika ang kanilang inihaing kaso kundi ang gusto lamang nila ay hustisya at panagutin ang may sala sa batas, isang opisyal man o hindi. (HNT)