PANGASINAN – Inendoso ng aktor na si Coco Martin ang FPJ Panday Bayanihan partylist sa darating na midterm elections.
Kasama ng Batang Quiapo star si Sen. Grace Poe at ang mga nominado ng grupo na pinangungunahan ni Brian Poe na nag-motorcade sa bayan ng Calasiao, Dagupan, Sto. Tomas, Basista and San Carlos.
“Itinuturing ko na pong pamilya ang mga Poe. Ang aking Ate Grace ay isa sa mga taong hinahangaan ko pagdating sa serbisyo publiko. Ngayon naman, ang kanyang anak na si Brian Poe ang magpapatuloy nito,” ani Martin sa proclamation rally ng partylist sa San Carlos City.
“Hinihingi ko ang tulong ninyo na suportahan natin ang FPJ Panday Bayanihan partylist sa darating na halalan,” dagdag niya.
Kasama ni Brian Poe sina Mark Patron at Hiyas Dolor bilang pangalawa at ikatlong nominando ng FPJ Panday Bayanihan partylist. Si Patron ay anak ni San Jose, Batangas Mayor Ben Patron, habang si Dolor naman ay asawa ni Mindoro Governor Bonz Dolor.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon ng FPJ Panday Bayanihan na tumakbo bilang partylist simula nang itinatag ito noong 2013.
Ang grupo ay naging kilala sa kanilang mga relief program sa mga nangangailangan tuwing may kalamidad, ngunit higit pa rito ang layon ng partylist. Nais ng FPJ Panday Bayanihan na magsulong ng mga repormang nakatuon sa isyu na talagang nakaaapekto sa mga pangunahing sektor ng lipunan—mga magsasaka, mangingisda, manggagawa, mga kabataan, mga informal sector at mga frontliner.