NADAKIP ng mga awtoridad ang isang babaeng nagpanggap na pulis nitong Martes, 18 Pebrero, matapos takasan ang nabanggang sasakyan sa lungsod Quezon.
Kinilala ang suspek na si Keith Valdez Bagtas, alyas Keith Bagtas Doumbia, 29 anyos.
Ayon sa ulat, nabangga ng sasakyang minamaneho ng suspek ang isang sasakyan sa kahabaan ng Epifanio de Los Santos Avenue (EDSA) nitong Martes ng umaga na tinugunan ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sa kalagitnaan ng pakikipag-usap, biglang tumakas ang suspek na hindo alintana ang red traffic light.
Ayon sa isang saksi, nakasuot ng athletic uniform ng Philippine National Police (PNP) ang suspek at nagpakilalang may koneksiyon kay PNP Chief P/Gen. Rommel Francisco Marbil.
Naaresto si Bagtas sa harap ng Barangay Police Security Officers (BPSO) office, Brgy. San Roque, Cubao, matapos magsimula ng kaguluhan sa Land Transportation Office (LTO) 20th Avenue Branch.
Nabatid na inatake rin ng suspek ang isang estudyanteng lalaki at pinagbantaan ang isang babaeng estudyante habang nasa kustodiya ng Barangay Hall.
Narekober mula sa suspek ang isang puting vape na naglalaman ng hindi pa matukoy na timbang ng cannabis flower oil; isang gramo ng kush marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng P1,400; isang itim na coin purse, at isang cellphone.
Sinampahan ang suspek ng mga kasong Physical Injury, Threat, Usurpation of Authority sa ilalim ng Article 177 ng Revised Penal Code; at paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Quezon City Prosecutor’s Office.