LUMAPIT ang isang OFW, si Rachel, sa CIA with BA para humingi ng payo ukol sa asawang nalulong sa sugal.
Sa episode sa Linggo, Pebrero 16, nagbigay si Senador Alan Peter Cayetano ng mahahalagang legal at praktikal na gabay tungkol sa usaping ito.
Ayon kay Kuya Alan, kung umiiral na ang pagkahilig sa sugal bago pa man o noong kasal, maaaring gamitin ang psychological incapacity bilang batayan para sa annulment.
Gayunman, kung hindi paghihiwalay ang solusyon na nais, may mga paraan para maprotektahan ang ari-arian ng asawa.
“Ang maganda po, nasa batas [natin] na ‘yung utang na nanggagaling sa sugal o game of chance ay hindi pwedeng i-charge sa ‘yo,” paliwanag ni kuya Alan.
Ibig sabihin, kung magkaroon man ng malaking utang ang isang tao dahil sa pagsusugal, hindi ito maaaring ipasa sa kanyang asawa. Ngunit may panganib pa rin, lalo na kung ang kanilang ipon, ari-arian, o iba pang naipundar ay nagamit o naibenta nang hindi alam ng asawa.
Dahil sagrado ang kasal, binigyang-diin ni Kuya Alan ang tatlong mahahalagang hakbang upang matulungan ang asawang nalulong sa sugal:
- Aminin ang problema – “Kailangan ma-realize ng asawa mo na mayroon siyang addiction.”
- Humanap ng tulong – “‘Pag naamin niya na may problema, get help. Kung kaya niyang tumigil mag-isa, na ‘wag nang [lumapit] sa mga nagsusugal, masosolusyonan ito kaagad. Pero kung hindi, get professional help.”
- Kontrolin ang pera – “Kung alam mong isusugal niya lang ‘yung pera, ‘wag mo nang ibigay sa kanya. Ikaw muna mag-manage ng pera habang may problema siya sa sugal.”
Sa huli, pinayuhan ng senador ang misis na maging maingat sa paghawak ng kanilang pinaghirapang pera at tiyakin na mapoprotektahan ang kanilang mga ari-arian mula sa posibleng negatibong epekto ng pagsusugal.
Patuloy na ipinagpapatuloy ng CIA with BA ang legacy ng yumaong Senador Rene Cayetano. Napapanood ito tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA7, na may replay sa GTV tuwing Sabado, 10:30 p.m..