HATAW News Team
KINOMPIRMA ng mga awtoridad na 179 katao ang namatay sa insidente ng jet crash-landing sa South Korea kahapon, araw ng Linggo, 29 Disyembre.
Tanging dalawang crew member ang nakaligtas sa insidente, na may sakay na 181 katao, nang lumapag at sumadsad, nadulas sa runway, sumabog at nasunog ang eroplano, pahayag ng opisyal. Sinabing ang sakuna ay pinakagrabe sa South Korea sa loob ng mahigit dalawang dekada.
Ayon sa lokal na fire officials at aviation experts, nagkaaberya sa landing gear ng eroplano.
Nabatid na nag-mayday call ang piloto nang magbabala ang control tower na may mga ibon sa paligid.
Inihayag na maaaring tumagal nang ilang taon ang imbestigasyon, at hinikayat ng mga eksperto na huwag magpahayag ng espekulasyon ng mga lokal na opisyal.
Nakatala bilang Boeing 737-800 sa FlightAware, mula Bangkok, Thailand. Sinabi ng mga analyst na ang Boeing 787-800 at Jeju Air, pinakamalaking low-cost airline sa South Korea, ay may mahusay at malakas na rekord sa kaligtasan.
Sa kabila nito, sinabing nakapanghihilakbot ang mga senaryo sa loob ng Muan International Airport, na ang mga kamag-anak ay humihingi ng sagot at paliwanag mula sa mga opisyal.
Ang dalawang survivors — kapwa crew members, isang lalaki at isang babae — ay nakuha mula sa buntot ng eroplano, ang natatanging bahagi na nanatling buo, ayon sa emergency services. Sa rekord, sinabing ang edad ng mga pasahero ay edad 3 hanggang 78 anyos.
Itinuturing na ito ay deadliest aviation disaster sa South Korea mula noong 1997, kung kailan ang isang Korean Airlines Boeing 747 ay bumagsak sa Guam jungle, na ikinamatay ng 228 katao.
Dalawang black boxes mula sa airline ay narekober, kabilang ang flight data at voice record, ayon sa land ministry ng South Korea. Sa pamamagitan ng device makakukuha ng impormasyon ang aviation safety investigators, upang matukoy kung ano ang sanhi ng insidente. (Mga detalye mula sa CNN)