SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
STAR studded at matagumpay ang MMFF 2024 Parade of Stars noong Disyembre 21, 2024, Sabado sa Maynila. Pinangunahan nina Vilma Santos, Aga Muhlach, Arjo Atayde, Julia Montes, Dennis Trillo at marami pang iba ang maningning na parada.
Naggagandahang float ang pumarada sa Kamaynilaan na inumpisahan sa Kartilya ng Katipunan at nagtapos sa Manila Central Post Office. Bale umabot sa 12 kilometro ang tinahak ng parada kaya naman talagang nagbunyi ang netizens sa dami ng mga artista, makukulay at naggagandahang float na nakita. Kitang-kitang rin namin ang saya sa mukha ng mga netizen kapag nakikita ang kani-kanilang iniidolong artista. May nagtatalon, nagtitiili, at nagpapa-selfie.
Una sa parada ang float ng The Kingdom na ang tema ay ang Kingdom ng Malaya na may golden crown, throne, at bandera. Nakasakay doon ang mga bida sa pelikulang sina Vic Sotto, Sue Ramirez, Sid Lucero, at Cristine Reyes. Wala si Piolo Pascual na may prior commitment sa GenSan City, South Cotabato sa Mindanao. Pinabagal ang usad ng parada para makahabol sana si Papa P pero hindi iyon nangyari.
Kasunod ang Topakk float na kulay gold at may papier mache guns at iba pang malalakas na armas. Mukha raw ni Arjo Atayde ang harapan ng float, na siyang bida sa pelikula na handog ng Nathan Studios. Iyo’y nagpapakita rin ng reaksiyon ng aktor kapag nakikipaglaban na sumisigaw. May pailaw pa iyon na kulay orange na animo’y apoy at pausok. Ang grupo ng Topakk ang pinakamasaya dahil sa dami nilang nakasakay sa float. Kasama ni Arjo sa float ang iba pang bidang sina Julia Montes, Enchong Dee, Kokoy de Santos, Sid Lucedo, Anne Feo at marami pang iba.
Naroon din ang producer ng Topakk na si Sylvia Sanchez na madalas bumaba ng float para mag-live at makisalamuha sa mga nag-aabang. Kitang-kita namin na enjoy na enjoy ang aktres na tila hindi napapagod sa pagtakbo-takbo sa ibang float para kunan din.
Sumunod ang float ng mga naggagandahang dilag ng Miss Manila.
At pagkaraan ay ang float naman ng Uninvited na bongga rin dahil ang tema—Greek palace na naglalarawan sa karakter ni Aga Muhlach sa pelikula. Tampok din ang curved pattern at mga pigura ng kabayo. Nakasakay dito ang mga bidang sina Vilma Santos, Nadine Lustre, Tirso Cruz III, Aga at iba pa. Naroon din ang prodyuser ng Mentorque Productions, si Bryan Dy na kakulitan ni Sylvia.
Nagdarasal na mga kamay ang tema ng float ng Isang Himala at may banner na “Elsa loves you,” Nakasakay dito ang mga bidang sina Aicelle Santos, Bituin Escalante, Neomi Gonzales, David Ezra, Vic Robinson, at iba pa.
Japanese inspired naman ang Hold Me Close dahil napalilibutan ito ng mga bulaklak, mala-Cherry Blossom bilang sa Japan nag-shoot ng pelikula ang mga bida ritong sina Carlo Aquino at Julia Barretto. Istorya ito ng isang babaeng may kakayahang madama ang potensyal na epekto ng mga indibidwal sa kanyang buhay sa pamamagitan ng paghawak.
Bahay na napalilibutan ng scarecrow naman ang Espantaho na ang istorya ay ukol sa isang may bahay, ginagampanan ni Judy Ann Santos (Monet) na madidiskubre ang dark secret ng asawang si Pabling (JC Santos). Ang scarecrow ang dahilan ng pagkakadiskubre sa masamang tangka ni Pabling. Nakasakay sa float noong hapon iyong ang mga bidang sina Judy Ann, Lorna Tolentino, Chanda Romero, Donna Cariaga, Mon Confiado.
My Future You ang kasunod na float na napalilibutan ng pastel balloons na tila mga ulap at pink sequins. May arko rin na gawa sa maraming bulaklak. Nakasakay dito ang mga bidang sina Seth Fedelin at Francine Diaz.
Pink na pink naman ang And The Breadwinner Is na nagpapakita ng personalidad ng bidang si Vice Ganda. Kasama niyang pumarada at nakikaway sina Eugene Domingo, Gladys Reyes, Jhong Hilarioat Kokoy de Santos. Wala sina Maris Racal at Anthony Jennings.
Iba’t ibang shade ng kulay berde naman ang tema ng GreenBones na tulad ng sa kanilang poster iyon din ang nakita sa kanilang float—ang puno na may kasamang posas at lighthouse. Ang posas at lighthouse ay sumisimbolo sa karakter na ginagampanan ni Dennis Trillo at ang puno na sumisimbolo bilang Tree of Life ay malaking impact sa pelikula. Kasama ni Dennis sa float si Ruru Madrid.
Ang last sa parada ay ang float ng Strange Frequencies: Taiwan Killer: Hospital na mala-haunted house ang datingan na sinamahan pa ng light shining. At siyempre nakasakay doon ang mga bidang sina Enrique Gil, Jane de Leon, MJ Lastimosa, at Rob Gomez.
Sa Manila Central Post Office nagtapos ang parada at doon naman ginanap ang isang Music Fest kasama ang mga bigating performers.
Bago ang parada, nagkaroon muna ng Meet the Press ang mga artista bago ang opening ceremony sa Kartilya ng Katipunan.
Punompuno ng artista ang tent na inilagay na roon muna nagtipon-tipon. Nakita namin ang pagsasama-sama sa isang larawan ng mga dalawang produ—Sylvia and Bryan; Aicelle ng Isang Himalawith Judy Ann ng Espantaho, Vilma, Nadine, at Aga ng Uninvited.
Nagpa-picture rin sina Direk Zig Dulay ng GreenBones at Direk Pepe Diokno ng Isang Himala.
Late naman dumating si Vice na hindi nakasama sa meet-the-press bago ang parada.
Nagpakuha rin ng picture sina Juday, Gladys, at Dennis na ‘ika nga ng aktor, mga bida ng Mara, Clara, at Ibarra.
Sa kabilang banda, kitang-kita namin ang saya kay MMDA Chairman concurrent MMFF Execomm Chairman Atty Romando “Don” Artes sa tagumpay ng 50th MMFF.
Ani Artes, positibo siyang susugod ang netizens sa mga sinehan para manood ng 10 pelikulang kalahok sa 50th MMFF.
Mapapanood ang 10 pelikulang kalahok sa MMFF 2024 simula December 25, 2024.