INAASAHAN ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na makatatanggap ng tulong ang mga magsasaka ng palay sa kanilang produksiyon sa pamamagitan ng mas malaking suporta mula sa gobyerno sa pamamagitan ng mga susog sa Batas sa Tarifikasyon ng Agrikultura ng 1996.
Sa paglagda sa Senate Bill No. 2779 ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ngayon 9 Disyembre 2024, sinabi ni Escudero na ang mga magsasaka ng palay sa bansa ay makatatanggap ng mas malaking suporta sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga makinarya at kagamitan sa sakahan, libreng pamamahagi ng mataas na kalidad na inbred certified seeds, at iba pang interbensiyon.
Pinahaba ng batas ang buhay ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), na kinukuha mula sa mga taripa na nakokolekta mula sa pag-aangkat ng bigas hanggang 2031.
Magkakaroon ng pagtaas sa taunang alokasyon sa RCEF, mula sa kasalukuyang P10 bilyon hanggang P30 bilyon hanggang sa 2031.
“Kailangan palakasin ang suporta sa ating mga magsasaka para makamit natin ang hangarin na makapag-ani ng mas marami pang bigas at mapababa ang presyo nito para sa ating mga mamamayan.
Mahalaga para sa lahat ng mga Filipino ang bigas kung kaya tinugunan ng Senado ang pagpasa ng mga batas tulad nito para makamit natin ang hangarin na ito,” sabi ni Escudero.
Magkakaroon ng buffer stock ng bigas, katumbas ng 30 araw kahit anong oras, upang suportahan ang mga programa ng pagtulong ng gobyerno sa panahon ng mga sakuna, likas man o gawa ng tao, at upang matugunan ang mga sitwasyong pang-emergency para sa seguridad ng pagkain gaya ng bigas.
Palalakasin ang Kagawaran ng Agrikultura, sa pamamagitan ng Bureau of Plant Industry, upang magsagawa ng mas malakas na inspeksiyon at pagsubaybay sa mga bodega at pasilidad sa agrikultura bilang bahagi ng layunin upang matiyak ang matatag na suplay ng bigas sa merkado, pati na rin ang kontrol sa kalidad ng bigas na ibinebenta sa mga mamimili.
“Gusto nating maiwasan ang isang sitwasyon na ang presyo ng bigas ay tumataas nang walang dahilan dahil sa pagpupuslit o pagtatago. Matagal nang problema ito sa bansa na dapat agad matugunan,” ani Escudero.
Binibigyang kapangyarihan din ng bagong batas ang Kalihim ng Agrikultura na mas mahusay na tumugon sa isang deklarasyon ng kakulangan sa bigas o isang pambihirang pagtaas sa presyo ng bigas.
Sa mga panahong may pambihirang pagtaas sa mga presyo ng bigas, ang Kalihim ng Agrikultura ay awtorisadong magtalaga ng mga entity na nag-aangkat, maliban sa National Food Authority (NFA), upang mag-angkat ng dagdag na supply at patatagin ang mga presyo.
Ang SBN 2779 ay isinulong ni Senador Cynthia Villar bilang tagapangulo ng Komite sa Agrikultura, Pagkain at Repormang Agraryo. Ito ay isang pagsasama-sama ng mga panukalang batas na inihain nina Senador Imee Marcos, Robin Padilla, at Villar. (NIÑO ACLAN)