HATAWAN
ni Ed de Leon
NOONG una naming marinig ang statement at apology na ginawa niyong si Maris Racal, naawa kami sa sinapit niya. Inamin niyang hindi siya masaya, malungkot siya noon kaya nahulog ang loob niya kay Anthony Jennings. Noong sabihin daw niya kay Anthony na single na siya, sinabi niyon na single rin siya, at naniwala naman siya. Inamin din niya na alam naman daw ng lahat ng mga nakakasama nila ang nangyayari, inaamin pa niyang minsan hinahalikan siya ni Anthony kahit na may nakakakitang ibang tao.
Pero ano mang pilit niya, hindi nagsasalita o gumagawa ng public statement si Anthony na wala na nga sila ng kanyang dating girlfriend na si Jamella Villanueva. Hindi lang daw minsan sinabi iyon ni Maris pero ang laging sinasabi sa kanya ni Anthony, naghihintay pa siya nang tamang panaho. Kaya naghintay naman si Maris. Wala naman siyang magagawa kasi inisplitan na niya ang dating boyfriend na si Rico Blanco, at inamin niya roon na nafa-fall siya kay Anthony.
Pero ang totoo nang sabihin niya iyon kay Rico at nakipag-split siya, hindi pa pala naman siya nililigawan ni Anthony, dahil sa kanyang statement mismo na nakipag-split na siya sa dati niyang boyfriend bago niya sinabi kay Anthony na single na siya, at sinagot naman siya niyon na siya man ay single na.
Kung pag-aaralang mabuti ang kanyang statement, ang motibo ay nagsimula kay Maris din, kasi siya ang nagsabi kay Anthony na split na sila ng boyfriend niya. Iba siguro kung nanligaw sa kanya si Anthony at umasang iisplitan niya ang dati niyang boyfriend para sila na. Pero hindi ganoon eh, siya ang nagsabi kay Anthony na inisplitan na niya ang boyfriend niya.
At inamin naman niya sa ex niya na nafa-fall na siya kay Anthony kaya gusto na niyang makipag-split. Kahit na sino namang lalaki, tiyak ang sasabihin sa kanya ‘di sige, roon ka na. Ewan kung sasabihin din ni Maris na hindi niya alam na malaking insulto sa pagkalalaki ni Rico ang kanyang sinabi. Dapat naman alam niya iyon dahil may pinag-aralan naman siya. Hindi naman siya umabot lang sa grade 2.
Hindi naman sinabi ni Maris kung bakit hindi na siya happy, kung bakit lonely siya samantalang may boyfriend naman siya.
Noong hindi magawa ni Anthony na magbigay ng statement na split na sila ni Jam at sa halip ang sinabi ay “friends” lang sila, hindi ba siya nagkaroon man lang ng duda? Kung nagkaroon siya ng duda bakit wala siyang ginawa? Hindi man lang ba siya nagtanong sa iba kung ano ang totoo? Ibig bang sabihin, napaikot siya nang husto ni Anthony na self confessed na grade 2 lang ang naabot? Ano ba naman iyon?
Sa totoo lang, iyong Anthony hindi namin masisi eh. Kasi hindi mo maaasahan iyong tama ang judgement at alam kung ano ang tama at mali. Aminado nga siyang hindi siya nakapag-aral, na ni hindi siya marunong bumasa at sumulat noong una. Paano niyang maiisip na mali ang ginagawa niyang pinagsabay iyong dalawang babae?
Basta ang alam niya gusto siya ng dalawang babae. At saka siguro nga nadarang na rin si Anthony dahil ka-love team nga niya si Maris at iyon ang unang nagbigay ng motibo. Aba kahit na sinong lalaki naman kung lalapitan ka ng isang babae at sasabihin sa iyong “single na ako,” ano nga ba ang iisipin mo? Kung gusto mo namang maka-score, sosyotain mo iyan lalo’t sinabi rin sa iyong malungkot siya. Eh ‘di alisin mo ang kalungkutan niya. In the first place kaya siguro hindi niya maiwan agad si Jamella ay dahil hindi siya sigurado kay Maris.
Alam mong kung may makikita iyang higit sa iyo, maaaring isang araw ay sabihan ka na lang ng, “may nagugustuhan na akong iba, split na tayo.” Ginawa na niya kay Rico eh, si Rico Blanco pa iyon, sikat na musikero, member ng River Maya, may pinag-aralan at mas mahusay na ang kabuhayan. Eh alam naman ni Anthony na ngayon lang siya nagkakapangalan. Mas napakadali niyang dispatsahin din ni Maris.
Pero kahit na kalimutan na natin ang lahat ng mga iyan. Siguro kung si Maris ay umupo sa isang tabi at nag-live na lang gamit ang kanyang cell phone. mas maniniwala kami sa sinabi niyang, “ngayon ay sasabihin ko ang lahat ng mula sa aking puso.” Wala kaming nakitang sincerity kahit na mangiyak-ngiyak pa siya dahil siya ay nasa isang well lighted set, may dalawang television cameras sa harap niya at malamang may isang direktor pang namimili ng mga shot kung saan siya maganda, may humahawak ng microphone sa harap niya, at ang mas matinik, may isa pang nasa harap niyang may hawak na idiot board na binabasa niya.
Paano kang maniniwala na ang sinasabi niya ay galing sa puso at hindi galing sa isang script na nakasulat sa idiot board na binabasa niya? Hindi pa nila pinagamit ng teleprompter para mas naipaliwanag niya nang mahaba-haba batay sa script, maliit lang kasi iyong idiot board eh. Kung teleprompter iyon mas makakapag-salita siya nang mas mahaba. Hindi rin kami magtataka kung may nagbibigay din sa kanya ng cue kung kailan siya iiyak at dapat pumatak ang luha. Hindi rin magaling ang direktor, hindi gaya ni Lino Brocka na sasabihin sa iyong kailangang may tatlong luhang pumatak sa kaliwang mata lang dahil naroon ang camera ko.”
At saka bakit ngayon lang kung kailan inalis na siya ng mga produktong ine-endorse niya? Umurong na iyong isang brand ng make up, umurong na rin iyong beer, pati iyong inasal inalis na rin silang dalawa ni Anthony? May mga kumalat pang palitan ng chat ang dalawa na tiyak nakaapekto sa dalawa.
Ang kawawa riyan iyong Anthony. Inaamin naman niyang galing siya sa isang mahirap na pamilya. Mahirap makahanap ng trabaho iyan. Hindi na rin naman kukuning artista iyan ng iba, nasira na ang image eh. Ano ang gagawin niya ngayon?
Iyan ang pinakawalang kuwentang issue pero lumaki dahil sa mga desisyong tange. Kung hindi lang nag-isip iyong Anthony na maka-score kay Maris at kung iyong Maris naman ay hindi rin kinilig sa kanyang ka-love team na mas bata at mas pogi kaysa kanyang boyfriend na inisplitan niya agad, mas ayos sana ang buhay niya at hindi niya aabutin ang lahat ng kahihiyang tinatamo niya ngayon. Hindi pa riyan matatapos iyan, marami pa ang kahihiyang darating. Hindi lang kumikibo si Rico dahil may pinag-aralang tao naman iyon. pero ano kaya ang sinasabi niyon sa loob-loob niya na ipinagpalit pala siya sa isang lalaking may syotang iba? Baka pinagtatawanan na rin niya iyang si Maris sa loob-loob niya.
Karma na rin iyan, nabalikan siya agad ng ginawa niya kay Rico. Si Anthony nabalikan naman ng ginawa niya kay Jamella. Pareho na silang karmatic, at ang karma tumama rin sa kanilang career. Pilitin mang isalba ng ABS-CBN iyong Maris, kailan mabubura sa isipan ng mga tao ang ginawa niya at ang malaking kahihiyang iyan?
Nakakaawa naman p ero kasabihan nga ng mga matatanda noong araw pa, “gusto mong lumandi, magtiis ka ng hapdi.”