HATAWAN
ni Ed de Leon
HINDI namin inaasahan na ganoon pa karami ang tao nang muling ipalabas sa UST, ang pelikulang Dekada ‘70 ni Vilma Santos. Nagkaroon sila ng retrospect, apat na pelikula ni Ate Vi at open lang naman iyon para sa mga estudyante ng UST.
May iba raw mga eskuwelahan na humihiling na payagan din silang manood, pero may duda sila sa lugar dahil baka naman masyadong mapuno at kulangin sila sa space. Tama naman sila dahil sa mga estudyante lamang ng UST puno na ang kanilang venue, ganoong napakalaki ng kanilang modernong theater sa Blessed Pierre Giorgio Frasatti Building. Ang bagong gusali sa tapat ng main UST sa Espana, na itinayo nila sa karangalan ni Giorgio Frasatti, ang lay Dominican brother na gagawing santo sa Abril 2025.
Mahigit 500 ang capacity ng theater, kung tutuusin ay mas malaki pa sa maraming commercial theaters sa ngayon. May balcony pa iyon na mga 100 din ang puwdeng manood. Pero iyon nga ay punompuno lalo na’t nalaman nilang magbibigay ng isang talk back ang star for all seasons na si Ate Vi.
Maagang dumating si Ate Vi na kasama si Tirso Cruz III, na co-star niya sa kanyang festival film na Uninvited, na nakatutuwang sumama rin at nagbigay ng kanyang mga insight sa pelikulang Filipino sa talk back. Si Tito Pip ay naging chairman din ng FDCP.
Bago nagsimula ang screening ng pelikula, ipinalabas muna iyong trailer ng Uninvited na mas na-appreciate namin nang mapanood sa UST dahil maganda ang projection at better ang sound quality, totoong sinehan na kasi iyon eh, at saka walang mga taong nagtatayuan pa sa silya gaya niyong nangyari noong una kaya wala na halos kaming makitang mga nasa likod.
Pero maliwanag ang tagubilin, “no videos, not even photos of the trailer” dahil bawal iyon hindi lamang dahil hindi pa naman nailalabas sa publiko ang trailer kundi napaka-ingat din nila sa mga maaaring mag-video ng anumang ipalalabas sa kanilang theater para walang piracy in any form. Sa karaniwan nga raw ay hindi nila pinapayagan ang cell phones sa loob ng theater para masigurong walang recording, pero noong araw na iyon, pinayagan nila dahil naiintindihan naman nila na maraming manonood na gustong makunan ng picture si Ate Vi sa kanyang muling pagdalaw sa UST, at saka may inimbitahan kasi silang mga ilang miyembro lang naman ng media dahil sa kanilang announcement tungkol sa 3 book series na ilalabas ng UST Press tungkol kay Ate Vi.
Iyan ay first time na mangyayari, unang ilalabas ang isang kung tawagin nila ay scholarly written book, na naglalaman ng mga isinulat tungkol kay Ate Vi ng mga napili nilang mga scholarly writers mula sa iba’t ibang unibersidad, and take note lahat daw ng kanilang contributors ay may masters degree sa literature at ang iba ay mayroon pang doctorate degree in Philosophy and Letters. Ang libro ay pinamamatnugutan ni Dr. Augusto Antonio Aguila, na isang doctor of Philosophy and Letters mula sa UST, ang foreword ng libro ay isinulat naman ng Rector Magnificus ng UST na si Very Rev.Fr. Richard Ang OP.
Kung napansin ninyo tinawag namin siyang “Very Reverend. Sa simbahan kasi iyan ang tamang address para sa mga Vicar Forane, mga namumuno o provincial ministers ng tinatawag na mga religious communties, at gaya nga ni Father Richard na rector magnificus ng kaisa-isang pontifical university sa Asya. Kaya naman pontifical university ang tawag dahil iyan ay mga eskuwelahang Katoliko na itinatag sa tuwirang utos ng Santo Papa sa Roma, at nakapagbibigay ng mga title na ang mga pamantasan lamang sa Roma ang karaniwang nakapagbibigay, lalo na sa mga araling pansimbahan. Kaya nga dahil diyan masasabing ang librong ilalabas tungkol kay Ate Vi ay isang parangal at pagkilala sa kanya bilang isang aktres, bilang isang lingkod bayan at bilang isang ina. At sinasabi nga nilang isang icon. Hindi nagkakaroon ng ganyang libro maski ang national artists man, na ang maglalathala ay isang pointifical university. Wala kang binatbat kahit na sabihin mo pang nanalo ka sa mga hotoy-hotoy na festival kahit na sa ilang continents pa.