TIYAK na maaantig sa mga samo’tsaring kwento ng totoong buhay kasama ang Titas ng radio na sina Tyang Amy Perez at Tita Winnie Cordero sa kanilang mga public service show sa Radyo 630 at Teleradyo Serbisyo.
Samahan si Tyang Amy na pakinggan ang iba’t ibang karanasan sa buhay pag-ibig, pamilya, kaibigan, karera, at iba pa sa kanyang radio wellness/drama show na Ako ‘To si Tyang Amy, tuwing Lunes hanggang Biyernes, 3:00 p.m..
Bukod sa mga madadamdaming kuwento ng buhay, maghahatid din ito ng mga makabuluhang payo mula sa mga eksperto bilang layunin nitong bigyang halaga ang importansya ng mental health sa kasalukuyang panahon.
“Ang aming public service ay may kinalaman lahat sa mental health o tamang pangangalaga sa ating isip, puso, at emosyon. ‘Yung mga pinagdaraanan nating struggles sa araw-araw, tatalakayin natin ‘yan,” wika ni Amy.
Mga nakaaantig na karanasan mula sa mga nangangailangan ang tutugunan ni Tita Winnie sa kanyang programang Tatak: Serbisyo na umeere rin weekdays, 10:30 ng umaga.
Bukod sa pagkalap ng donasyon para sa mga nangangailangan, layunin ng kanyang programa na magsilbing tulay sa pagsasaayos ng sistema sa pagtulong sa ating mga kababayan.
“Ang gusto kong maging adbokasiya ay ‘yung mapaayos ang sistema sa pagtulong sa ating kapwa. Isa-isa kong nadidiskubre ang mga hinaing ng ating kababayan at ang daming nangangailangan ng tulong mula sa pagpapagamot, financial, at iba pa,” saad ni Winnie.
May hatid ding winning diskarte si Tita Winnie, mula sa budget-friendly recipes, DIY activities at kumikitang kabuhayan sa kanyang programang Win Today tuwing Sabado, 10:00 a.m…
Bukod sa AM radio sa 630 kHz frequency, mapapanood din ang mga programang ito sa Teleradyo Serbisyo na available sa free at cable TV, pati online sa official Facebook at YouTube pages nito. May livestream din ang Teleradyo Serbisyo sa iWantTFC.
Tuloy-tuloy din ang pagbabalita at serbisyo publiko sa mga progama nitong Radyo 630 Balita ni Robert Mano, Gising Pilipinas at Teleradyo Serbisyo Balita nina Alvin Elchico at Doris Bigornia, Kabayan ni Noli de Castro, Balitapatan kasama sina Peter Musngi at Rica Lazo, Headline Ngayon ni Jonathan Magistrado, at iba pa.
Samantala, mas pinalakas ng Radyo 630/Teleradyo Serbisyo ang mandato nitong paghahatid ng serbisyo publiko sa mamamayan matapos makipag-ugnayan sa Ayala Foundation para sa ilang inisyatibo sa ginanap na contract signing noong Nobyembre 10.
Pinasinayaan nina Marah Capuyan, President ng Media Serbisyo Production Corporation, at Ayala Foundation’s Senior Director of Marketing and Donor Relations, Paul Vincent Mercado ang pirmahan. Ilan sa mga dapat asahan sa partnership nito sa darating na 2025 ay ang pamamahagi ng scholarship program sa mga kababaihan, paigtingin ang disaster response efforts sa oras ng kalamidad at iba pa.