SUMUGOD ang members of the media sa bahay ni Ken Chan sa Quezon City para i-cover ang paghahain ng Warrant of Arrest para sa kasong Non-Bailable Syndicate Estafa.
Subalit walang inabutan ang mga awtoridad sa bahay ng aktor kanina. Walang tumanggap sa warrant nang ihain sa tahanan ni Ken sa isang subdibisyon sa Brgy Tandang Sora, Quezon City.
Sinabi ni Atty. Joseph Noel Estrada, abogado ng nagrereklamong biktima na ayaw magpakilala na pangalawang warrant of arrest na raw nila ito kay Ken ngunit hindi pa rin nagpapakita dahil nasa ibang bansa raw.
Nagmamay-ari ng maraming restoran si Ken at inimbitahan daw ng aktor na mag-invest ng P14-M ang biktima sa pangakong maibabalik.
Isa si Ken sa walong kinasuhan ng Syndicate Estafa kasama ang iba pang mga kasosyo sa nasabing restaurant business.
“Mayroon pong investment scam na naging basehan niyong complaint at nakitaan ng piskalya na maiakyat sa korte, makasuhan ng syndicated estafa si Ken Chan kasama ‘yung co-accused,” anang abogado.
Paglalahad ni Estrada, si Ken umano ang humingi sa kanyang kliyente ng P14-M para umano sa isang restaurant business at pinangakuan ng malaking buwanang interes na 10 percent na kita sa kanyang kliyente.
Pero bigla umanong nawala si Ken at nagsara ang negosyo kaya’t nagkaroon ng kaso.
Ayon pa kay Estrada, ito na ang ikalawang pagkakataon na naghain sila ng arrest warrant laban kay Chan. Una itong isinilbi noong Setyembre.
Non-bailable ang kasong kinahaharap ni Chan at mga kapwa nito mga akusado.
Idinagdag pa ni Atty Estrada na kapag nakabalik na ng Pilipinas si Ken ay dadamputin agad para ihain ang warrant of arrest. (Allan Sancon)