Saturday , November 23 2024
Vilma Santos

Ate Vi sa kanyang kaarawan: malusog na katawan at mahabang buhay 

HATAWAN
ni Ed de Leon

SA Linggo pa naman iyon, pero gusto na naming ipaabot ang pagbati namin sa kaibigang Vilma Santos Recto, maligayang kaarawan sa aming Ate Vi. Noong una ay hindi naman si ate Vi ang aming ka-close, pero may mga nangyari sa aming buhay at sa aming propesyon kaya kami naging close sa isa’t isa. Hindi kami laging nagkakaisa sa aming opinyon sa mga bagay-bagay, pero sa kabila ng mga pagkakaiba ng aming opinyon, nananatili kaming magkaibigan. 

Nagsimula ang lahat nang una kaming magkaharap ni ate Vi sa isang interview noon. Marami siyang controversies noon. Nagpakasal siya ng lihim sa US, on the family way na siya noong kausap namin na kung iisipin maaari niyang itago sa amin, pero inamin niyang lahat ang buong katotohanan. Doon nakuha ni Ate Vi ang aming simpatya, hindi siya sinungaling. Aba eh ewan kung maniniwala kayo, may mga artistang talagang sasabihin sa iyo ang kasinungalingan, tapos ide-deny niya mismo ang sinabi. Totoong nangyari sa amin iyan, at saksi pa namin si Douglas Quijano na hindi pa talent manager kundi kolumnista rin noon. 

May nakausap kaming artista, mahusay namang nagpa-interview. Natural isinulat namin ang sinabi niya, sabay pa kami ni Douglas, nang lumabas ang sinulat namin sa diyaryo ng umaga makapananghali lang iyong artista nasa programa na ni Inday Badiday sa radyo at sinasabing hindi totoo ang isinulat namin at kami raw ay sinungaling. Tapos isang kaibigan niyang reporter din ang nagsabing ugali talaga niya iyon, magsasabi ng hindi totoo para malaman lang niya kung paniniwalaan ang kanyang kasinungalingan. 

Tutal madali naman siyang mag-deny at paniniwalan ang kanyang denial.”

Magmula noon talagang hindi na namin siya kinausap. Bakit pa kami magpapaloko eh nariyan naman si ate Vi na nagsasabi ng totoo.

Maraming taon na ang nakararaan simula noon. Kaya sabi nga ni ate Vi, “tayo naman tried and tested na ang ating samahan”. Iyon ang dahilan kung bakit simula noon hanggang ngayon ay nananatili kaming sinusuportahan si Ate Vi.

May mga bagay na hindi namin makakalimutang ginawa ni Ate Vi. Noong una kaming nagkaroon ng heart attack, nasa ICU pa kami. Nagulat kami na pumasok ang nurse at nang nakitang gising pa kami, kinausap kami. Sinabi niyang bawal na bawal daw ang bisita sa ganoong oras ng gabi, halos hatinggabi na noon eh. Pero may mga tao raw na nakikiusap na makita kami at sinabing napakalayo pa kasi ng kanilang pinanggalingan. Humingi siya ng permiso sa amin kung puwede raw papasukin. Ang alam namin  kahit na sabihin mong oras ng dalaw, walang pinapapasok sa ICU, iyong mga bumista sa amin ay natanaw ko lang sa salamin, at nandoon sila sa labas. Pinapasok sila ng nurse, sina Ate Emelyn pala at galing pa  sila ng Batangas. Hindi raw mapakali si Ate Vi at inutusan silang alamin ang kalagayan namin.

Nang lumabas kami ng ospital noong maka-recover kami noon namin naisip na ilan lang pala ang aming mga kaibigan sa showbusiness, kahit na marami kaming nakakasama at nakakakuwentuhan. Siyempre una na roon si ate Vi, isang aktor na kaibigan din namin  na nagkataong noong mangyari iyon  ay nasa abroad para sa isang show. Pero nang mabalitaan ang nangyari sa amin ay agad daw na nagpa-utos sa isang simbahan at sinabing magpa-misa para sa aming recovery, at kinabukasan nasa kuwarto na namin sa ospital ang isa niyang confidante para tingnan ang aming kalagayan, na tumawag sa kanya sa phone para makausap kami.   

At sa maniwala kayo at sa hindi, isang baguhang female star na bago lang naming nakilala.ni hindi pa yata namin naisulat man lang dahil ipinakilala lang siya sa amin ni Ben Nollora, na pagkatapos noon ay matagal na naming hindi nakita. Ang totoo hanggang ngayon ay gusto namin siyang makita at makumusta kung ano na ang nangyari sa kanya. Pero maski na si Ben ay wala na ring balita, si Pyar Mirasol. Iyong pagkakaroon namin ng atake sa puso, iyon ang nagmulat sa amin sa katotohanan kung sino lang ang mga tunay naming kaibigan sa loob ng mahabang panahon namin sa showbusiness.

Two years ago ay na-stroke naman kami. Nasa isang press conference kami nang mangyari iyon, at sina Salve Asis at Maricris Nicasio naman ang nagsugod sa amin sa ospital. Kung hindi pala kami naisugod agad sa ospital, malamang isa na rin kami sa ipinagtirik ng kandila noong Biyernes. At ang una ring dumating si Ate Vi. Pagkatappos ng press conference niya sumunod agad siya sa ospital. At ang hindi namin makalimutan ang nakabantay sa tabi namin ay si Maricris. Ang nag-aasikaso naman ng mga dapat asikasuhin ay si Salve. Nang pareho na silang kailangang magsara ng pahina pagdilat naman ng mata ko ang naroroon ay si Nickie Wang na pinakiusapan muna nilang magbantay sa akin. 

Kaya sa totoo lang, napakalaki ng utang na loob ko sa SPEEd. Days after kahit nakalabas na kami sa ospital, nakaalalay pa rin sina Salve at Maricris, at ang mga artistang nagpakita ng concern, iyong mga dati pa ring kaibigan namin. Sina Aga Muhlach, Richard Gomez at iba pa. 

Minsan iisipin mo, may isang female star na nakadikit ko rin noong araw. Noong magkita kami sa isang press conference, sinabi sa akin, “nagkasakit ka pala, bakit hindi mo ipinaalam sa akin.” 

Pabiro na lang naming sinagot, ”hindi ka naman doktor eh, singer ka, ‘di inistorbo lang kita dahil doktor naman ang dapat tumingin sa akin.”

Sa showbusiness, ayaw naming sabihin iyong plastic. Tawagin na lang nating “cosmetics.” Parang make up, Put ons.

Isa pa, iyong mga naging kaibigan naman namin sa showbiz, unang-una si Ate Vi nga, nakita naman ninyo at 71 years old, excuse me po 37 lang pala.  batambata pa ang dating, hindi nagmukhang hukluban, at sikat pa. Hindi iniiwanan ng fans. Kasi nga maganda ang kalooban. Isa pang kaibigan namin si Aga, sikat pa rin makaraan ang ilang dekada naging top grosser pa sa festival. At ngayon, katambal pa ni Ate Vi.

Si Cong Goma rin, na hindi ko naman masyadong naging ka-close. Hindi naman kami umabot doon sa nagkakaalaman na kami ng mga personal na problema, hindi na rin namin siya halos nakikita dahil iba na ang mundo niya, pero kaibigan pa rin namin.

Pero ang talagang pinaka-malapit sa amin si Ate Vi. Hindi rin kami madalas na magkita, nagkaka-contact lang kami sa chat at sa telepono madalas. Pero iyong pagiging makaibigan namin, ay hindi maikakaila. 

Kung magkakaroon ng isang batas na magsasabing bawal ang maging Vilmanian, sigurado aamin na agad kaming guilty.

Anyway, Happy Birthday Ate Vi. At marami ka pang birthday na darating dahil napakaraming nagmamahal sa iyo, hindi lang pito. May nagmamahal sa iyo sa six continents, sigurado ako riyan dahil nakatatanggap kami ng feedback mula sa fans mo sa kung saan-saan.  Nakakapaghatid ka ng ligaya hindi lamang sa Batangas kundi saan mang sulok ng daigdig. Tignan mo nga kung saan-saang bansa na nakarating ang When I Met You in Tokyo at may nanonood ha kahit na ang admission ay 26 dollars, at sa mga tunay na sinehan. Paninindign namin iyan kahit na ipinagtitirik pa kami ng kandilang itim na hugis tao ng mga “you know who” sa labas ng simbahan ng Quiapo. Ang mga mangkukulam.

Ano nga ba ang maibibigay natin kay Ate Vi maliban sa buong pusong panalangin sa Diyos na sana ay bigyan siya ng malusog na katawan, at mahaba pang buhay alang-alang sa mga taong umaasa rin sa kanyang matapat na paglilingkod. At alam din namin na ginagabayan siya ng Mahal na Birhen Maria, ang Mediatrix of all Grace na tinatawag ding Our Lady of Lipa.

About Ed de Leon

Check Also

John Arcenas IDOL The April Boy Regino Story

John humanga sa sobrang makapamilya ni April Boy

RATED Rni Rommel Gonzales UNANG lead role ni John Arcenas ang pagganap bilang yumaong music legend na …

Malou de Guzman Silay Francine Diaz

Malou de Guzman sa pagbibida: sinong aayaw doon

RATED Rni Rommel Gonzales SA tagal niya sa industriya, halos apat na dekada, sa wakas …

Kang Mak

Kang Mak a feel good horror-comedy

HARD TALKni Pilar Mateo NGAYON lang ako in a long time, natawa ng tawang-tawa. At …

Kathryn Bernardo Alden Richards Cathy Garcia Molina Sampana Hello Love Again

Hello, Love, Again patuloy na tumatabo,  world premiere sa US, Canada, Dubai kasado na

MA at PAni Rommel Placente PANIBAGONG history na naman ang naitala ng pelikulang Hello, Love, Again. …

Enrique Gil

Bagong serye ni Enrique sa Europe kukunan

MA at PAni Rommel Placente MAGIGING masaya ang mga faney ni Enrique Gil dahil sa wakas ay …