HATAWAN
ni Ed de Leon
SI Luis Manzano ang laging kasama ngayon ni Vilma Santos sa mga kampanya. Natural iyon dahil sila ang talagang magka-tiket. Si Ryan Christian Recto naman ay sa Lipa lamang tumatakbo bilang congressman.
Ang naririnig pa namin, kahit alam naman nilang anak si Luis ni Ate Vi, may nagsasabing hindi siya likas na taga-Batangas dahil siya ay Manzano. Hindi naman siya Recto. Kung pagbabatayan mo nga naman ang pangalan, wala pang Manzano na umangat sa politika. Kumandidato sa matataas na posisyon, pero natalo. Nakatatawa nga eh may lumabas na namang isa pang Manzano, pero nasa Amerika at nagkakampanya raw para kay Kamala Harris. Iba rin ang lipad niyon.
Pero ang paniwala namin lulusot iyang si Luis. May kalaban pero matatangay iyan ng lakas ni Ate Vi. Eh lahat naman iyang mga kaharap nila, nakaharap na ni Ate Vi noong araw at tinalo. Matapos ang siyam na taong nawala siya sa panlalawigang pamahalaan marami ang desmayado. Kaya nga talagang pinilit siyang magbalik. Eh kung pinilit nga ba siyang magbalik magkakaroon pa sila ng duda sa kanyang katiket? Natural hindi na dahil pananagutan niya iyon.
Nasubukan naman nila, nitong nakaraang baha, hindi naman nagpabaya si ate Vi kahit na wala pa siya sa puwesto ha. Mas marami siyang napuntahang evacuation centers at nabigyan ng relief goods. Eh iyong mga tao naman, hindi na pinapansin ang relief goods. Basta nakita nilang naroroon si Ate Vi ayos na sa kanila. Kasi alam nila na may mabuting mangyayari hindi lang sa mga oras na iyon kundi hanggang sa darating na mga araw pa. Lahat naman sila ay nagsasabing, “gumanda ang Batangas noong panahon ni Ate Vi.”
Pero bago iyan iyong pelikula muna niyang Uninvited. Maraming dapat ipaliwanag si Ate Vi. Dahil ilang buwan na ang nakararaan, sinabi ni direk Chito Rono na si Ate Vi at Judy Ann Santos ang stars sa pelikula niyang Espantaho. Hindi naman niya sinabing ayaw niya. Pero ang talagang problema, may pressure nga iyong project ni direk Chito dahil kailangang ipasok sa Metro Manila Film Festival (MMFF).
Eh iyon namang Uninvited noong gawin niya ay walang ganoong pressure. Iyon kungumabot eh ‘di sige, kung hindi naman walang pilitan. Naiintindihan din ng producers na kung matagalan man sila at abutin sila ng media ban, ok lang. Eh mabilis kumilos si direk Dan Villegas, at habang nasa shooting sila tumutulong na rin si direk Antoinette Jadaone sa post production, kaya natapos. Kasali ngayon sa MMFF.
Isa pa, napakalaki ng casting ng pelikula. Parang iyong mga Mano Po series noon ng Regal. Bukod kay ate Vi nariyan sina Aga Muhlach at Nadine Lustre na pareho ring naging festival top grossers ang pelikula. Kung kami man iyon luluwagan namin ng kaunti para maipasok. Sayang kung ilalabas iyan pagkatapos ng festival. Maganda ang kuwento, matindi ang opticals at malaki ang cast. Kung magbabayad ka ng P400 sa sine, saan ka papasok nang hindi ka manghihinayang? ‘Di roon na sa malaki talaga.
Naiintindihan naman namin ang fans ni Nora Aunor. Kaso sinasabi nga ng festival committee dapat ang pelikula ay commercially viable. Malalaki ang stars. Ibig bang sabihin niyon mas malaking star si Francine Diaz, kaysa kay Nora na isang National Artist at best actress in five continents? Bakit sina Francine at Seth Fedelin nakapasok tapos si Nora not invited?
Siguro hindi na rin naman sila umasa dahil noong nakaraang taon na-reject din iyong kanyang Pieta. At para masali man lang sa awards kahit isa, pinilit nilang ilabas kahit na sa isang micro cinema lamang, huwag na hindi lang masabi na ipinalabas sa sinehan.
Kasi naman puro indie ang ginagawa ni Nora eh. Bakit nga ba hindi siya gumawa ng isang malaking pelikula? After all, national artist siya at best actress pa in five continents. Kung malaking pelikula ang gagawin niya, maaaring ipalabas iyan kahit na sa six continents pa.TIngnan ninyo iyong When I Met You in Tokyo sa ilang continents ba naipalabas, at kumita ha.Tinulungan kasi ng OWWA lahat ng lugar na may mga OFW dahil ang pelikula ay tungkol sa kanila. Tungkol sa OFWs eh, may nakaka-identify na grupo ng manggagawa. Eh kung gagawa ka ng pelikula tungkol sa mangkukulam, sino ang manonood sa iyo?
May aamin bang mangkukulam siya?