PAGKARAAN ng ilang linggong pag-aabang, kinompirma ng TV5 na ang misteryosong “K” na tinutukoy nila bilang bagong host ng Face To Face: Harapan ay walang iba kundi ang kilalang beteranong broadcast journalist na si Korina Sanchez-Roxas. Ito ay isang pasabog na matagal nang hinihintay ng mga taga-suporta at manonood.
Ang kinagigiliwang TV5 program na Face To Face ay muling magbabalik bilang Face To Face: Harapan simula Nobyembre 11 at mapapanood sa “Hapon Champion” afternoon block.
Ang relaunch na ito ay tinaguriang “Pinakamala-K na Makeover ng Taon,” ngunit nananatili ang layunin ng programa na maging plataporma para harapin ang mga issue at hanapan ito ng solusyon. Ngayong si Korina na ang host ng programa, inaasahan ang mas matitindi pang bangayan at mas malalim na mga resolusyon sa mas exciting na “barangay hall on-air.”
Kilala si Korina sa kanyang walang sawang pagbibigay-boses sa mga isyung mahalaga sa bayan, at sa kanyang natatanging kakayahang makipag-ugnayan sa publiko. Dahil dito, siya ang perfect choice para ihatid ang Face To Face: Harapan sa panibagong yugto ng serbisyo publiko.
“Magkakaharapan na,” ani Korina sa video na ini-release ng TV5.
Dagdag pa niya: “Ikaw, may mukha ka bang ihaharap?”
Kilala sa kanyang tapang at straightforward na approach, handa na si Korina na gabayan ang mga participant sa kanilang mga problema, dala ang kanyang natatanging kombinasyon ng tapang, malasakit, at pananaw sa bawat talakayan.
Mula ito sa produksiyon ng MQuest Ventures at Cignal TV, angFace To Face: Harapan ay maghahatid ng mga engaging confrontation na aantig sa damdamin ng mga manonood. Makakasama rin dito ang mga bagong mukha na inaasahang maghahatid ng kasiyahan at bagong kulay sa programa.
Hindi pa man inaanunsiyo ang bagong time slot ng programa, asahan na ang mas matitinding drama at madamdaming mga tagpo sa premiere ngFace To Face: Harapan sa Nobyembre 11.