MATABIL
ni John Fontanilla
PATOK na OPM hitmakers ang agad na bumandera sa partial list of winners ng 16th Star Awards for Music ng Philippine Movie Press Club (PMPC) na gaganapin sa October 27, 6:00 p.m. sa Carlos P. Romulo Auditorium RCBC Plaza, Makati City.
Kabilang ang tinaguriang Kings of PPop, ang SB19 na ang hit song na Gento ay nanalong Dance Recording of the Year.
Nagwagi naman ang Ben&Ben ng Music Video of the Year para sa revival song nilang The Way You Look At Me na ang music video ay idinirehe ni Blasgil Tanquilut. Ang original singer ng awitin na si Christian Bautista ay may special appearance sa music video na tampok sina Barbie Forteza at David Licauco.
Panalo ng Collaboration of the Year ang pagsasama nina Gary Valenciano at Gloc-9 sa kantang Walang Pumapalakpak. Nasungkit din ni Gloc-9 ang Rap Album of the Year para sa kanyang album na Pilak.
Sigurado namang masayang-masaya ang DonBelle fans dahil nagwagi ang kanilang mga idolo sa magkahiwalay na Pop categories. Si Donny Pangilinan ang itinanghal na Male Pop Artist of the Year para sa single niyang Biglaan kasama ang hitmaker ding si Maki sa kantang Saan. Nakuha naman ni Belle Mariano ang Female Pop Artist of the Year para sa awitin niyang Bugambilya.
Nangabog naman sina Kim Chiu, Maymay Entrata, at Vice Ganda sa Novelty categories. Si Kim ang itinanghal na Novelty Artist of the Year para sa kanta niyang Ms. Ukay.
Naghati naman sa award na Novelty Song of the Year ang Rampa ni Vice Ganda at ang Autodedma ni Maymay.
Mag-uuwi rin ng mga parangal ang multi-awarded hitmakers na sina Zack Tabudlo (Pop Album of the Year – 3rd Time’s A Charm); Moira dela Torre (Female Acoustic Artist of the Year – Eme); Juan Karlos(Rock Album of the Year – Sad Songs and Bullshit); KZ Tandingan (Female R&B Artist of the Year -Kailan Pa Ma’y Ikaw): at Kris Lawrence (Male R&B Artist of the Year – Buti Na Lang).
Dahil nga partial list of winners pa lang ang inilalabas ng PMPC, kaabang-abang din kung sino-sino pa ang mga mananalo sa iba pang kategorya. Iaanunsiyo ang winners sa natitirang kategorya sa mismong awards night.
Pangungunahan iyan ng labanan para sa tatanghaling Song of the Year na paglalabanan ng SB19 (Gento), BINI (Pantropiko), Juan Karlos (Ere), Zack Tabudlo (Gusto), Moira Dela Torre (Ikaw at Sila), Maki (Saan), at Lola Amour (Raining in Manila).
Nominado sa Male Recording Artist of the Year sina Bamboo, Billy Crawford, Christian Bautista, Erik Santos, Juan Karlos, Zack Tabudlo, at Ogie Alcasid.
Sina Regine Velasquez, Moira Dela Torre, Yeng Constantino, KZ Tandingan, Morisette, Julie Anne San Jose, Katrina Velarde, at Sarah Geronimo naman ang mga nominado sa Female Recording Artist of the Year.
Nakae-excite rin kung sino ang mananalo sa Album of the Year, Duo/Group Artist of the Year, Male and Female Concert Performers of the Year, Duo/Group Concert Performers of the Year, at Concert of the Year.
Bibigyan ng espesyal na mga parangal ang industry icons na sina Mr. Pure Energy Gary Valenciano at veteran music producer, musical director, at arrranger na si Homer Flores. Igagawad kay Gary ang Pilita Corrales Lifetime Achievement Award, habang pararangalan naman si Homer ng Parangal Levi Celerio Lifetime Achievement Award.
Ang 16th Star Awards for Music ay inoorganisa ng mga opisyal at miyembro ng PMPC sa pangunguna ng Pangulo nitong si Rodel Ocampo Fernardo. Katuwang ng PMPC ang Airtime Marketing ni Tess Celestino-Howard. Ang awards night ay ididirehe ni Eric Quizon.
Magsisilbing hosts ng Gabi ng Parangal sina Atasha Muhlach, Jameson Blake, Andre Paras, at Heaven Peralejo.
Mapapanood ang kabuuan ng awards night sa November 9, Saturday, 10:15 p.m. sa A2Z.