HATAWAN
ni Ed de Leon
USAP-USAPAN ang statement ni Willie Revillame na wala pa siyang naiisip kung ano ang gagawin kung manalo nga siyang senador. Ang iniisip daw niya sa ngayon ay kung mananalo muna. Kung manalo siya at saka niya iisipin ang gagawin niya bilang senador. Ang sinabi lang niya, gusto niyang makatulong sa mga Filipino.
Bagama’t ang mga senador nga ay nakatutulong sa pabibigay ng ayuda sa mga mahihirap sa pamamagitan ng inilalabas nilang mga letter guarantee sa mga ospital, limitado rin ang kanilang pagbibigay ng ayuda. Hindi gaya ng mga mayor o governor na dahil sila ay local executives maaari nilang gawin ang gusto nila. Ang mga senador o congressman, ang dapat nilang gawin ay gumawa ng mga batas na makatutulong sa bayan.
Halimbawa, kailangan nilang uimisip ng batas na hindi na magagamit ng mga dayuhan ang karapatang dapat ay sa Filipino lamang dahil nakagagawa sila ng mga kasulatang fake.
Isipin ninyo iyong natuklasang gawaan ng fake na birth cerftificate sa Davao, na siya rin palang sentro ng Extra Judicial killings. Pero bakit nga ba sa Davao ginagawa iyon? Hindi mo naman masasabing kagagawan din iyon ni Quiboloy. Pero ano man ang dahilan o paraan, palagay namin kailangan na ngang linisin iyang Davao.
Dapat gumawa sila ng mas mahigpit na batas na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga nakikipag-sabwatan sa mga dayuhang nagsasamantala sa ating bayan. Kailangan din ang mas mabigat pang batas laban sa mga walang habas na pagpatay, Hindi isang paglabag sa batas kagaya ng murder ang solusyon sa isa pang bawal na gawain, ang droga. Hindi solusyon ang mali sa isang pagkakamali. Ang mali ay dapat na ilagay sa tama, hindi sugpuin din sa maling paraan.
Mayroon naman tayong mga korte, bakit hindi hayaang ang korte ang humatol sa mga may sala?
Sa extra judicial killings, ang humuli ang nagharap ng bintang, siya pa ang judge at siya rin ang executioner. Talo pa ang Diyos na may tatlong persona lamang. Iyang mga nagsa-salvage apat na persona, sila ang complainant at arresting officer, sila rin ang prosecutor, tapos sila pa ang judge, at sa katapusan sila pa ang executioner, eh ‘di apat na persona nga.
Iyang mga ganyang batas ang dapat na maisipang gawin ng mga mahahalal na senador kaya hindi dapat iboto iyong “makikipaglaban ng patayan para sa mga gumagawa ng EJK.”
”Sa anim na SONA ni Presidente Duterte, nagpapalakpakan sila kung nababanggit ang drug war. Standing ovation pa sila. Bakit ngayon nag-iisa na lang siya?” tanong ni Bong Go.
Eh kung hindi sila pumalakpak noon, gusto ba nilang makasama sila sa narco lists?