HATAWAN
ni Ed de Leon
ANO kaya iyong sinasabi ni Vice Ganda na demolition job daw laban sa It’s Showtime? Kailangan pa ba? Kung may makaka-demolish diyan sila na rin iyon. Hindi nila napaparami, in fact numinipis ang audience nila dahil kalat-kalat. Isipin mo iyong simulcast sila sa apat na free tv channels, dalawang cable channels at sa internet pa.
Natural mahahati lang ang audience at mayroon doon na hindi na mapapanood ang show nila, eh papasok ba ang advertisers doon sa hindi napapanood? Pero dahil sa ginagawa nilang monopolyo, napakalaki ng binabayaran nilang block time rate kaya sino ang nalulugi ngayon?
Sa GMA lang naka-blocktime na sila sa Channel 7 at sa GTV. Binabayaran pa nila iyong Zoe TV, tapos iyong All TV pa. Ang tanong gaano kalaking sales ang nagge-generate ng monopolyo? Tiyak iyon ganoon din, eh dahil apat man ang estasyon ang kanilang binabayaran, isa lang ang kita, ano ang kalalabasan niyon? Iyong cable nila, sa kanila iyon at iyon na rin ang ginagamit na feed ng mga estasyon kung saan sila naka-blocktime, dahil ang broadcast nila galing din sa ABS-CBN studios.
Sana kung sa bawat isa may ibang sales, pero sino ba ang magpapasok ng commercials sa iba-ibang channels na iisa lang naman ang show? Ang gagawin nila, pipiliin lang nila iyong pinaka-malakas na channel at doon na lang sila papasok. Balolang na ang tatlo. Ngayon hanggang kailan nila kayang maglabas sa apat na channels na isa lang naman ang kita? Kung sa bagay, sa GMA hanggang 2024 lang ang kontrata nila dahil sinalo lang naman nila iyong airtime na iniwan ng Tape Inc.. Eh ngayong babalik ang Tape Inc. hindi kaya nila makuha ang dati nilang time slot lalo na kung may gagawin naman silang magandang show? Hindi naman nakababatak ang It’s Showtime para sa afternoon prime ng GMA dahil palabas nga rin sa ibang channels. Of course better than Tahanang Pinakamasaya, pero kung ang pagbabatayan mo ay ang batak ng Eat Bulaga dati, malayo.
Noong pareho naman silang nasa 150KW station hindi tinalo ng Showtime ang Eat Bulaga. Ngayon lang sila nananalo dahil nasa 150kw station sila at tatlong iba pa, samantalang ang Eat Bulaga ay nasa isang 60kw station lang. Natural mas marami ang naabot nila kaysa TVJ.
Isa pa, ano pa ba namang laban ang hinahanap ng Eat Bulaga? Wala na eh, ang gusto lang nila umabot sila ng 50 years, at malapit na iyon. Hindi na sila kailangang makipaglaban, sila na ang longest running tv show in the world ngayon pa lang. Sila rin ang record holder na pinaka-maraming episodes na nagawa, isipin ninyo 46 years at araw-araw?
Paano pa ninyo hahabulin ang record na iyan? Iyon lang tumagal ka ng 25 years malaking bagay na eh., eh ang binubuno ngayon ng Eat Bulaga doble niyon. Sana nga umabot naman ang Showtime kahit na 25 years man lang. Sampung taon pa ang bubunuin nila.
Isa pa, ang main host nilang si Vice is spreading himself too thin. Araw-araw na nga siya sa tv, nagtayo pa siya ng comedy bar eh ‘di nahati na naman ang audience. Dahil sa over exposure isang araw ay mabibigla na lang iyan pinagsawaan na siya ng tao. Kung iyong TVJ sumabak nang sumabak sa mga live show noong araw, wala na iyan ngayon. Pero alam nila ang limitasyon nila eh. May panahong sagaran din sila sa pelikula, lalo na nga si Joey de Leon, pero nang naaapektuhan na siya, tigil agad at nag-concentrate na muli sa Bulaga. Tingnan ninyo hanggang ngayon hinahabol pa ng mga tao.
Noon lang ang pelikuLa ni Vice ay talunin ng pelikula ni Aga Muhlach sa Metro Manila Film Festival (MMFF), dapat nagising na siya sa katotohnan eh, pero hindi pa siya nagulantang doon. Ang mga artista, may saturation point din iyan eh, diyan mo makikita kung sino ang mahusay dumiskarte sa career at hindi. Iyan ang sinasabi noong araw ni Mina Aragon, “you should know when to stop.” Kung hindi ka na kinakagat ng tao, kailangan umiba ka na ng diskarte. Huwag mo nang ipilit ang gusto mo. Ganyan ang showbusiness.