PASYA ng karamihan galing sa bawat batayang sektor ng lipunan ang kakalapin ng FPJ Panday Bayanihan partylist para maisulong ang people’s agenda at maidulog ang makamasang batas sa kongreso na pangungunahan ng naturang sectoral party sa 2025 midterm election.
Ayon kay Brian Poe Llamanzares, unang nominado ng FPJ Partylist, hindi kami ang magdidikta kung ano ang kailangan ng tao. Kailangan malaman namin kung ano ang sadyang naisin ng bawat sektor para sa pagpapatuloy ng legasiya ng aking lolo at adbokasiya ng aking ina na si Senator Grace Poe na hinahangad namin na ilaban at maipagkaloob sa nakararami.
Naisagawa na kamakailan sa Manila at Quezon City ng naturang partylist ang sectoral forum at patuloy nila itong gagawin sa bawat bayan lalo sa pamyanan ng mga Indigenous People, patuloy na pagharap sa historical discrimination, wala o salat sa mga serbisyong panlipunan, at economic opportunities.
Si Brian ay panganay na anak ni Sen. Grace Poe at apo ng yumaong batikang action star na si Fernando Poe, Jr., tinaguriang Hari ng Pelikulang Pilipino. Masugid na sinuportahan ng mag-inang Llamanzares ang kandidatura sa pagka-Pangulo ni FPJ noong 2004.
Kumintal sa puso at isipan ng mag-ina ang adhikain ni FPJ. Sinasambit lagi sa pangangampanya ni Da King, “Ang serbisyo ko sa inyo ay walang katapusan.”
Kaya noong 2013 ay itinatag ni Brian ang FPJ Panday Bayanihan at siya rin ang nanguna sa pamimigay ng hindi mabilang na tulong sa mga nangangailangan lalo sa mga kapos-palad. Food, progress, at justice ang pangunahing adbokasiya ng party-list na ipinaglalaban ni Da King noon pa man.
Nang magsumite ng certificate of election sa Comelec si Brian, kasama sina Mark Patton, second nominee, at Hiyas Dolor, third nominee ng FPJ Panday Bayanihan partylist ay sinamahan sila ni Sen. Poe kasabay ng pagdagsa ng mga tagsuporta at mga dating miyembro ng Filipinos for Peace, Justice and Prosperity Movement (FPJPM) at iba pang tagasuporta ni FPJ.