HATAWAN
ni Ed de Leon
NAGKA-CHAT kami ni Ate Vi (Vilma Santos) noong isang araw dahil nagpadala siya ng voice message na nagsasabing natuwa siya nang makita niya ang dinner namin kasama ang mga Vilmanian. Tumawag kasi sa amin si Jojo Lim ng VSSI at sinabing gusto raw kaming maka-dinner ni Dr. Augusto Antonio Aguila, isang professor at Doctor of Philosophy and Letters sa UST. Aba bakit nga ba hindi, kasama rin daw ang ilan pang big wigs ng mga Vilmanian. Hindi naman formal dinner iyon, kahit na nasa isang fine dining restaurant kami, more of friendly talks at sa totoo lang, inabot kami ng pagsasara ng restaurant na hindi nga makapagsara dahil hindi pa natatapos ang aming kuwentuhan.
“Naku mahal na mahal ka ng mga Vilmanian, ikaw ang madalas na napagkukuwentuhan namin sa group chat,”sabi ni Ate Vi.
Naniniwala naman kami. Hindi pa nag-fail si Jojo na umulan man o umaraw, maayos man ang panahon o may pandemic na magpadala ng spiritual at inspiring quotes sa araw-araw, na siyang gumigising sa amin tuwing umaga. May isa pa silang kasama iyong si Jeannie Wong na US based, na nang malaman na may miyembro ng VSSI na uuwi sa Pilipinas, nagpadala pa ng dalawang lata ng milk for diabetics na ginagamit namin dahil mas mura raw doon at napakamahal dito. Iyon ding isang VSSI member na si MJ, big time iyan. Kapitan ng barko, at sa tuwing magkikita kami laging tumatawag ng Grab para ihatid pauwi. At iba pa nilang kasama na everyday may messages na nangungumusta, nagpapaalalang mag-ingat kami at concerned sila sa amin. They are really friends.
Kung maraming ginagawa si Ate Vi ngayon na hindi pa maaaring sabihin, ganoon din naman ang mga Vilmanian na may mga ginagawang tatatak bilang milestone sa career ng Star for All Seasons bilang isang aktres na hindi pa maaaring sabihin lahat. Ang masasabi lang siguro ay ang ukol sa libro na nakatala ang mga accomplishment ni Ate Vi as an actress and as a public servant na ginagawa ni Tots na doctor of Philisophy and Letters lang naman, and to be published by a respected institution in the country. Hindi iyan mumurahing paper back na kagaya niyong sa iba.
Iyan at maraming iba pa ang sabay-sabay na nangyayari ngayon which will eventually make Ate Vi not just a popular and respected actress and public servant kundi bilang isang institusyon.
Iyang VSSI ay binubuo ng mga professional. Marami sa kanila educators dito at maging sa abroad. May mga medical practitioner at health workers at magugulat kayo na marami siyang fans na pari at madre, hindi sila members ng VSSI but they are a class on their own na basta may gagawin ang Vilmanians nandiyan sila. Lumabas lang iyan noong magkaroon ng screening ang mga klasikong pelikula ni Ate Vi na may ginagawang talk back sa malalaking Catholic colleges and universities. Hindi lamang dahil artista siya at matapat na public servant, kinikilala rin nila si Ate Vi bilang isang devout Catholic na nagpapakalat ng devotion sa Mahal na Birheng Maria.
Sinusunod din ni Ate Vi ang lahat ng tagubilin ng simbahan. Nagpakasal siya sa simbahan, ‘di gaya ng iba na ikinasal lang sa kama. Alam kasi niya na dahil si Vilma Santos siya, kailangan niyang mag-set ng isang magandang example para sa lahat.
Ang pelikulang ginagawa ni Ate VI, “malapit na kaming matapos. Gusto ko na ring matapos ito para maharap ko naman iyong sa Batangas. Maganda ang aming pelikula, Pero huwag mo munang isusulat ang napag-usapan natin about this. Gusto namin masorpresa ang audience. Pero pagkatapos nito at saka tayo magkuwentuhan, ang dami na nating dapat pag-usapan,” sabi ni Ate Vi. Eh mayroon ba namang tungkol kay Ate VI na hindi interesado ang kanyang fans?