Friday , November 22 2024
Nora Aunor

Nora Aunor maipanalo na kaya ng Noranians? (2nd nominee ng isang partylist)

HATAWAN
ni Ed de Leon

NATUWA naman kami nang mag-file ng COC si Nora Aunor para sa isa na namang bagong party list na hindi siya ang first kundi second nominee lamang. Parang pareho na sila ng level ni Diwata. Pero natutuwa na rin kami dahil ginawa niya iyon, hindi dahil sa naniniwala kami sa kakayahan niyang maging isang kongresista.

Alam naman nating wala siyang kaalaman sa pagsulat ng batas, pero dahil sa ginawa niya, magkakaroon ng pagkakataon ang mga Noranian na mapatunayan ang sinasabi nilang marami pa sila. Hindi rin maikakatuwirang kalat-kalat sila ng lugar, dahil party list ang tinakbuhan ni Nora. Ibig sabihin, buong Pilipinas iyan at dahil may overseas voting tayo puwede pa siyang iboto kung totoo ngang may humahanga sa kanya sa “five continents” na ipinagmamalaki nilang kilala siya.

Pero mukha ngang naliligaw na naman ng paniniwala si Ate Guy kasi nang tanungin siya ng media kung ano ng gagawin niya kung mauupo siyang congresswoman, ang isinagot niya ay “para po sa industriya ng pelikula. Mga kasama kong artista at mga kababayan nating nangangailangan.” Aba kung ganoon ay hindi siya dapat na tumakbo sa party list, dapat ang inambisyon niya ay pamunuan ang DSWD.    

Dapat bigyan ng abiso si Nora, iyang kongreso hindi naman layunin niyang magbigay ng ayuda sa mga taong nangangailangan kundi gumawa ng mga batas na pakikinabangan ng bayan. Ang dapat na sinabi ni Nora ay kung ano ang mga batas na gusto niyang ipanukala sa Kongreso para mapabuti ang buhay ng mga tao. Iyong pangako niyang tutulong sa industriya ng pelikula at musika at sa mga kasama niyang artista, masyado yata iyong self serving. Ipinangako na rin iyan ng maraming politiko noong araw. Basta may politikong nagpatawag ng entertainment press dahil alam nilang mabilis makalusot doon ang kanilang mga pra la la, at ang entertainment press ay hindi maurirat gaya ng iba at dahil sa katotohanang sa Pilipinas nga mas binabasa ang entertainment sa mga diyaryo at maging sa social media na nangangahulugan ng mas malaking mileage para sa kanila, ganyan lagi ang sinasabi, may gagawin silang makatutulong sa industriya. May nangako pa nga noon na may bubuksang film facility sa Clark na maipanlalaban sa mga post production laboratories sa Hollywood, eh ni isang poste wala namang naipatayo. Nanalo na, nakulong na, nakabalik pa ulit. Ni isang poste wala eh.

Ilang politiko na nga ba ang nangako na tutulong para bawasan naman ang napakalaking tax sa pelikula? Hindi ba umabot pa nga iyan sa isang rally patungo sa senado na kasama si FPJ, si Mang Dolphy, at si Eddie Garcia. My nangyari ba kahit na isang damukal na artista ang senador? Nakalusot iyong Eddie Garcia law na dapat magbigay ng proteksiyon sa mga manggagawa sa pelikula at telebisyon, pero bakit sa kabila niyon ay nakalulusot pa rin ang mga network at mga film producer na hindi nagbabayad ng tama at pinagtatrabaho ng sobra sa oras ang mga tao. May mga doktor bang nakabantay sa mga taping para kung magkaroon ng emergency ay hindi na maulit ang nangyari kay Manoy Eddie na mali ang handling sa pasyente kaya lalong lumala? May ambulansiya bang nakaistambay kagaya ng itinatakda ng batas? Lusot din naman sila sa kabila ng batas eh. Ang kailangang isipin ng isang kongresista ay kung anong batas ang magagawa para sa kapakanan ng tao. Hindi lang iyong kung mayroong magkasakit at gustong magpa-opera sa doktor ni Julie Andrews ay bibigyan na nila ng pera. Hindi ganoon iyon.

O kaya may isang artistang nalaos at wala nang pagkakitaan bibigyan ng puhunan para makapagtayo ng grocery at hindi iyong nagtitinda na lang ng tuyo at tinapa, hindi rin ganoon iyon.

Pero at saka na natin isipin iyan kung mananalo nga si Nora. Ang mahalaga sa ngayon ay mapatunayan ng mga Noranian na marami pa nga sila at kaya nilang ipanalo si Nora kahit na sa party list lamang at saka na siya turuan at alalayan sa paggawa ng batas. Tutal kung sakali tatlong taon naman  iyan. Isa pa, may mga kasama naman siya sa party list na magtuturo sa kanya para huwag namang masayang ang kanilang nominasyon. Ang dapat sa pagkakataong ito ay maipanalo naman nila si Nora dahil nangamote na siya “not once but twice” sa politika.

About Ed de Leon

Check Also

Suspek timbog sa Pampanga
LALAKING NAGKAKAPE UTAS SA BOGA NG KAKOSA

PATAY agad ang isang 55-anyos lalaki nang pagbabarilin sa bahagi ng Tanigue St., Brgy. 14, …

Mary Jane Veloso

Mary Jane Veloso uuwi na — Marcos

KINOMPIRMA ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na uuwi na sa Filipinas si Mary Jane Veloso …

PAGASA Amihan

Amihan na — PAGASA

IHANDA na ang inyong mga damit na panlamig gaya ng mga jacket, sweater, shawls, at …

Knife Blood

Sa Tondo, Maynila  
CHINESE NAT’L PATAY NANG PAGSASAKSAKIN SA LOOB NG SASAKYAN

NAKAPAGMANEHO pa para iligtas ang sarili ngunit binawian din ng buhay ang isang 46-anyos Chinese …

UAS UNLEASH

UAS Invests in UNLEASH, a Groundbreaking Pet Lifestyle App to Provide Filipinos’ Pet Companions Peace of Mind Through Technology and IoT

UAS (Universal Access and Systems Solutions), a leading technology solutions provider, today announced its strategic …