HATAWAN
ni Ed de Leon
ISA pang nakaaaliw, nagsumite rin ng kanyang COC bilang konsehal si Aljur Abrenica para sa Angeles City. Natira naman sila noong araw sa Angeles, kaya nga kilalang-kilala siya roon lalo sa may Diamond Subdivision na sinasabing “marami siyang kaibigan.” Isa pa, inaasahan siguro niyang makatutulong ang syota niya ngayon, si AJ Raval na kapampangan din.
Pero bago iyan, si Aljur ay nag-migrate na sa Batangas na may isang resort na siyang negosyo nang tumagilid ang kanyang career bilang isang artista.
Hindi naman siya kinontra ng hiniwalayan niyang asawang si Kylie Padilla. Sinabi lang ni Kylie na bago ang isang tao ay makapaglingkold sa iba, dapat matuto muna siyang ayusin ang kanyang pamilya. Pero maaaring sabihin ni Aljur na dapat sinabi iyan ni Kylie sa tatay niya.
Kung sa bagay, konsehal lang naman ang tatakbuhan ni Aljur. Pero ang trabaho ng isang konsehal ay gumawa rin ng batas. Mga ordinansang ipatutupad nila sa kanilang lunsod. Hindi simpleng trabaho iyan, ginagamitan ng utak iyan. May karanasan ba si Aljur sa paggawa ng batas? Kabisado ba niya ang mga ordinansa, o kumandidato lang siya dahil sa paniwalang sikat siya at iboboto ng mga tao? Sayang, wala na ngayon si Alfie Lorenzo at maging ang naging alalay niyang si Angelica. Umalis na rin sa Angeles City si Eddie Littlefield at Fernan Sucalit at lumipat na sa Pasay sana mahihingan natin sila ng opinyon sa pagtakbo ni Aljur. Pero siguro naman may attorney na tutulong sa kanya sa paggawa ng ordinansa sakali’t manalo siyang konsehal.