HATAWAN
ni Ed de Leon
MUKHANG masyado na ngang showbiz ang politika sa ating bansa. Maging ang aktor na si Phillip Salvador na nagsabi at umamin na hindi siya abogado, hindi siya doktor kundi aktor lamang na miyembro ng PDP, at inamin din naman niya na gusto niyang pumasok sa senado para bigyang proteksiyon ang dating presidenteng si Rodrigo Duterte, na sinasabi niyang ipaglalaban kahit ng patayan.
Aba eh ‘di senador pala siya ni Duterte at hindi ng bayan? Ano iyon kakalabanin pa niya si Bong Go na isang senador pero naka-alalay pa rin kay Digong sa halip na gumawa ng batas sa senado? Para ring si Robin Padilla na nakita lamang bilang chairman na nag-imbestiga sa kaso ng panghahalay kay Sandro Muhlach, na obvious na ang talagang nag-iimbestiga ay si Senador Jinggoy Estrada, at saka noon lamang gumawa sila ng hearing sa Davao at sinabing over kill ang ginawa ng pulisya para mahuli ang puganteng si Quiboloy. Ano ba naman iyan?
Star studded din ang eleksiyon sa Maynila, bumabalik si Isko Moreno bilang mayor, kahit sinabi na niyang kung matatalo siya sa pagka-presidente ay tatalikuran na niya ang politika.Tumatakbo pa ring vice mayor si Yul Servo. At take note kabilang sa mga tumatakbong konsehal sina Wendell Ramos, Joaquin Domagoso, Mocha Uson at iba pa. Kung sa bagay, ganyan naman talaga sa Maynila may panahong nariyan sina Lou Veloso, Cita Astals, Robert Ortega at iba pang mga artista. Aba hindi lang iyan, talagang star studded ang elekiyon kahit na saan. Mukhang naniwala sila sa tukso ni Rico Punonoong araw na, “mahina kasi sa showbusiness ngayon kaya sa graft and corruption na lang muna.”
Talaga raw ang uso ngayon ay family dynasty na ang politika at matindi ang showbiz family diyan, kabilang na ang mga Revilla ng Cavite, ang mga Santos-Recto ng Batangas, iyong mga Duterte ng Davao, na hindi na nagkasya sa mga alagad nilang tatakbo, pati ang tatlong mag-tatay daw ay tatakbong senador. Strong hold kasi nila iyan kung sakali para masiguro si Sarah Duterte sa 2028. At mabigyang proteksiyon ang kanilang mga kaibigan, at saka may puwersa sila kung makapapasok na nga ang ICC para mag-imbestiga sa extra judicial killings na lumalabas na mahigit na 30,000 pala ang biktima. Hindi lamang ng mga pulis kundi maging ng mga vigilante groups na tinatawag nilang DDS, o Davao death squad. Hindi na rin umubra ang kanilang “maisug” wala nang dumating at ngayon kabangga pa nila ang KOJC dahil hindi nila nabigyang proteksiyon si Quiboloy.
Isipin naman ninyo, appointed son of god, owner of the universe, napatigil ang lindol, bagyo, traffic sa EDSA, at maging ang ABS-CBN sinabihan lang ng stop. Nakakulong ngayon at maaaring ano mang oras ay ililipat na rin sa regular jail gaya ng nangyari kay Alice Guo o kay Guo Hua Ping.
Dito sa Pilipinas kasi umiiral pa rin ang patronage politics. Kung sino ang kakilala nila, kung sino ang sikat, iyon na iyon. Ok lang iyon eh, pero pag-aralan naman nila ang record, naging tapat ba sa paglilingkod sa bayan o nakikikain lang kung may senate hearing tapos pinoprotektahan lamang ang mga kakampi nila sa politika.Kung ganoon din lang, huwag nang iboto ang mga iyan.