HATAWAN
ni Ed de Leon
MARAMIang nanghihinayang dahil siguro gustuhin man ni Vilma Santos hindi na niya maaaring tanggapin ang isang offer para gumawa ng pelikula sa abroad. Maganda raw sana ang plano at maganda rin ang project, pero paano nga eh tinatapos pa niya hanggang ngayon iyong Uninvited. Nag-file pa siya kahapon ng COC dahil tatakbo nga siyang governor muli ng Batangas.
Kung sa bagay, hindi naman siguro siya mahihirapan dahil ang magiging running mate naman niya ay siLuis Manzano. Makatutulong na rin ang bunso niyang si Ryan Christian Recto dahil tatakbo rin iyong congressman ng Lipa na unang ginawa ni Ate Vi at sinalo rin naman ni Secretary Ralph Recto hanggang inilagay na nga siyang Secretary of Finance, kaya walang congressman ngayon ang Lipa.
Ganyan naman ang naging desisyon dahil iyon nga rin ang kagustuhan ng kanilang partido. Sila rin kasi ang bumuo ng local party nilang One Batangas at iyon ang kinilala nga nilang partido na natatag dahil matapos ngang maging governor si Ate Vi at naroroon pa rin ni Secretary Ralph, ang dalawa nga ang nakikita nilang matibay na political leaders para sa buong probinsiya.
Mukhang tama naman sila dahil noong nakaraang eleksiyon nga marami sa kanilang mga kandidato ang tumakbong unopposed. Pero alam naman ninyo ang politika, hindi puwedeng walang kritiko, at sinasabi nga nila, mukhang buong-buo ang isang poltical dynasty at may biro pa ngang, “si Peanut ba hindi pa kakandidato?”
Pero ang mga tao pa rin ang magpapasya ano man ang sabihin ng kakampi at kalaban nila. Bagama’t iyang political dynasty ay matagal nang issue, mukhang hindi nga iyon pinapansin ng mga tao. Tingnan na nga lang ninyo ang senado, 24 na lang iyan, pero may mag-nanay, magkapatid, at iba pang galing din sa isang political family.
Nakasanayan na kasi sa Pilipinas iyong ibinoboto nila iyong kilala nila ang pamilya.
Kaya tingnan ninyo ang tagal nang issue niyang political dynasty pero hanggang ngayon wala pa ring nangyayari.