ni Ed de Leon
ANG haba ng kuwentuhan namin ng isang dating male star sa tv na hindi na aktibo ngayon. Dumating kasi ang panahon na nawala ang kanilang tv show at naisipan na niyang gamitin kung ano man ang kanyang naipon para magsimula ng isang maliit na negosyo na suwerteng lumaki naman.
Nadako ang aming usapan sa sexual molestation at sinasabi niyang kahit naman noong panahon nila may ganoon na, pero ang mga biktima ay hindi nagrereklamo dahil karamihan ay nahihiya at itinatago na lang lihim ang nangyayari sa kanila.
Mayroon naman daw naniniwala na nakatutulong iyon para umasenso sila sa kanilang career. Inamin nga niya, may panahon pa nga raw na ipinagmamalaki pa ng mga male star ang mga kaibigan nilang bading.
“Noon maraming ganyan lalo na sa mga provincial show. Noong uso pa iyang mga provincial show, at saka iyong mga baratillo noong araw, karaniwan may shows iyan, may mga artista, inaabot na ng gabi bago makabalik ng Maynila. Roon lang sa sinasakyang van pauwi, may uupo sa likod mismo katabi ng mga bading at habang bumibiyahe, ang iba naman ay tulog na dahil pagod, nakagagawa na sila ng milagro roon mismo. Tapos mapapansin mo hanggang sa uwian may naghahatiran pa.
“Noon din, may nagpupunta sa bahay o pinapupunta sa bahay ng bading. Basta nagpunta iyon na iyon, humanda ka na kasi nagpunta ka eh. At saka iyong lalaki naman alam na niya iyon. Ang katuwiran naman ng marami noon, ‘lalaki ka naman eh ano ang mawawala sa iyo.’
“Minsan pa sinasabi nila, iyang mga lalaki maligo lang iyan virgin na naman. At saka noon kasi hindi malaking issue iyang ganyan,” sabi pa niya.
“Nakagugulat nga biglang naging malaking issue iyan ngayon, Noong araw may mga nangyayari mang ganyan, napag-uusapan pero hindi nagiging malaking issue. Naging malaking issue lang naman iyan nang magkaroon na ng social media. Kasi noon kuwentuhan lang, ngayon inilalabas na nila iyan sa social media na siyempre basta nai-post na parang ipinagsigawan na iyan sa lahat ng tao.
”Iyon namang biktima, hindi naman niya aaminin siyempre iyong participation niya palalabasin na sexual harassment. Minsan naman talagang sexual harassment, may puwersahan iyon mali talaga iyon,” sabi ng male star.
“Noong araw natatandaan ko, makikipagkita lang sa isang coffee shop sa Cubao, tapos kakain ng doughnuts, kung nagkasundo nagkakayayaan na. Maraming artistang nagsimula sa ganoon, doon lang nakilala at nakuha ng mga manager nila. Para naman doon sa mga lalaki malaking asenso na nga iyon.
“Dahil isipin mo, istambay lang sila at nambabakla sa Cubao para magkapera, eh kung gagawin nga naman silang artista o kahit na dancers lang sa tv, malaking asenso na iyon,” sabi pa niya.
Sinabi pa niyang kung titingnan nga raw mabuti mukhang mas talamak pa ang sexual molestation noon sa mga baguhan kaysa ngayon.
“Kasi ngayon iyong lalaki umiiwas na dahil masisira sila basta may nagtsismis sa kanila sa social media. Iyong mga bakla takot din dahil baka nga dahil sa social media ay kumalat pa ang ginagawa nila, nakahihiya rin. Noong araw may makakita man sa iyo, may panahon ka pang kausapin iyon eh ngayon basta may nakakita sa iyo, may hawak na cellphone iyon at nai-post na ang lahat ng kuwento pati ang pictures ninyo.”
“Mukha ngang dahil. sa sitwasyon, mas mababawasan sa ngayon iyang ganyan. Isa pa, kuripot na ang mga bading ngayon, kasi nga dahil sa hirap din ng buhay. At saka iyong mga lalaki ngayon, na karamihan ay mga bakla ring nagsasamantala sa kapwa nila bakla. Pinaka mababang singil niyan P2,000. My umaabot pa ng P10,000, eh karaniwan lang iyon. ‘Di lalo na kung totoong artista o model,” dagdag pa niya.